NHA

1 buwang moratorium sa loan payment sa Cebu, Masbate aprub sa NHA

Jun I Legaspi Oct 6, 2025
102 Views

NAGBIGAY ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng amortization ng housing loan at lease payments sa mga benepisyaryo na nasalanta ng habagat, bagyong Mirasol, Nando at Opong at mga naapektuhan ng 6.7 na lindol sa Cebu.

Iniutos ni NHA General Manager Joeben Tai ang pagpapatupad ng NHA Memorandum Circular No. 2025-153 na nagsuspinde ng amortization at lease payments para sa mga residential account holders sa mga nabanggit na probinsya para sa Oktubre.

“Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magbigay ng tulong sa mga pamilyang apektado ng iba’t-ibang kalamidad na tumama nitong nakaraan sa ating mga kababayan, agaran po kami sa NHA na nagpatupad ng moratorium para sa aming mga benepisyaryo sa Masbate at Cebu,” pahayag ni NHA GM Tai.

Sa panayam kay NHA GM Joeben A. Tai, ipinahayag niya na agad nang nagpatupad ang ahensya ng moratorium para sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.

“Wala na pong babayaran for the month of October ang mga benepisyaryo ng National Housing Authority sa Cebu at Masbate.

Wala na po kaming pinipili. Basta po kung nasa Cebu po kayo, sa Masbate automatic na po ‘yan, wala na po kayong babayaran,” ayon sa NHA chief.

Idiniin ni GM Tai na ang mabilis na pagtugon ng NHA ay kasunod ng hangarin ng Pangulong Marcos, Jr. na makatulong maibsan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang nasalanta ng bagyo at lindol.

Ang koleksyon ng amortization at lease payments, gayundin ang pagdagdag ng delinquency at iba pang interest charges ay manunumbalik sa normal nitong skedyul sa Nobyembre 2025.

Binanggit din ng ahensya na ang anumang bayad na ginawa sa panahon ng moratorium ay ilalapat ayon sa umiiral na hierarchy of payments.

Bukod sa moratorium, nagsasagawa ang NHA ng validation at koordinasyon sa mga LGUs para sa mga apektadong pamilya at aktibong humahanap ng funding requirements para sa pagpapatupad ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).