Cebu

Phivolcs: 7,027 aftershocks na naitala sa Cebu

193 Views

UMAABOT na sa 7,027 ang naitalang aftershocks kasunod ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30, batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nitong Lunes.

Ayon sa Phivolcs, alas – 8 ng umaga nitong Lunes (October 6), 31 sa mga aftershocks na ito ang naramdaman na may lakas na hanggang magnitude 5.1.

Gayunman, bumababa na umano ngayon ang dalas o bilang ng aftershocks kada araw.

“Mapapansin mo sa chart na ang bilang ng aftershocks kada araw (frequency) ay bumababa,” sabi ng Phivolcs noong Linggo ng gabi.

Normal at natural ang aftershocks lalo na kapag mataas ang magnitude ng main shock.

Ang mga aftershock ay maaaring tumagal ng ilang linggo hanggang buwan.

Nangangahulugan ito na ang bahagi ng subsurface na lumipat ay nag-a-adjust pa rin sa isang matatag na kondisyon o posisyon,” sabi ng ahensya.

Nauna nang hinimok ni Phivolcs director Dr. Teresito Bacolcol ang mga apektadong residente na kumunsulta muna sa mga eksperto bago umuwi sa kanilang mga tahanan para sa kanilang kaligtasan.

Samantala, umabot na sa 72 ang naiulat na nasawi sa lindol, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.