Calendar
Source: PCG video
18 patay sa barkong lumubog sa Basilan
UMAKYAT na sa 18 pasahero ang nakumpirmang patay sa paglubog ng MV Trisha Kersten-3 na isang roll-on/roll-off (RORO) vessel sa Baluk-baluk Island, Basilan, Lunes ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) dakong alas-12 ng tanghali nitong Lunes, umabot na sa 317 pasahero ang nasagip, kabilang ang 27 crew ng RORO.
Nasa 24 pasahero pa ang nawawala at hinahanap ng mga tauhan ng PCG search and rescue team, Philippine Navy, Philippine Maritime Group, Philippine Air Force at mga lokal na awtoridad.
Lahat naman ng asset ng PCG ay ginamit para makita ang mga nawawalang biktima.
Batay sa ulat ng PCG, dakong alas-10 ng gabi nang umalis ang barko sa pantalan ng Zamboanga City at patungo sana sa Jolo, Sulu.
Gayunman, dakong 12 ng hatinggabi ay sinalpok ang barko ng malalakas at malalaking alon na naging sanhi ng paglubog nito.
Ayon sa ilang pasaherong nakaligtas, dakong ala-1 ng madaling araw ay pinasok na ng tubig ang barko.
Sinabi naman ni Captain Noemie Guirao-Cayabyab, tagapagsalita ng PCG, hindi overloaded ang passenger vessel dahil batay sa manifesto ay 332 lamang ang sakay nito na mababa sa maximum capacity na 352 na pasahero.
Naniniwala rin ang opisyal na Hanging Amihan ang sanhi ng malakas na alon sa bahagi ng karagatan.
Panalangin, pang-unawa
Humiling ng panalangin at pang-unawa ang Aleson Shipping Lines Inc., ang kumpanyang may-ari ng lumubog na MV Trisha Kerstin-3, umaga ng Lunes.
Sa opisyal na pahayag ng kumpanya, sinabi nito na nakatutok ito sa sitwasyon at agad na nagsagawa ng quick response measure matapos na matanggap ang distress call mula sa passenger vessel.
Lahat din aniya ng kanilang available na sasakyang-pandagat ay agad nilang pinadala sa lugar para tumulong sa search at rescue operation.
Mahigpit din aniya ang pakikipag-ugnayan nito sa PCG at iba pang ahensiya na nagsasagawa ng operasyon.
Tiniyak din ng kumpanya na maglalabas ito ng mga update at impormasyon hinggil sa trahedya.

