Bulkan

736 volcanic quakes, 4,702 rockfall events naitala sa Bulkang Mayon

144 Views

NANANATILING mataas ang antas ng aktibidad ng Bulkang Mayon matapos itala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang 736 volcanic earthquakes, 1,128 pyroclastic density currents (PDCs) at 4,702 rockfall events mula nang itaas ito sa Alert Level 3.

Sa pinakahuling 24-oras na ulat nitong Lunes, iniulat ng Phivolcs ang 13 volcanic earthquakes, 229 rockfall events at 45 PDCs, kasabay ng mahina at pasulput-sulpot na Strombolian activity na may kaugnayan sa pag-agos ng lava.

Ayon sa Phivolcs, ang Strombolian activity ay indikasyon ng patuloy na pag-akyat ng magma kahit hindi ito nagdudulot ng malawakang ashfall.

Tumaas din ang sulfur dioxide (SO₂) emissions ng Mayon sa 1,221 tonelada kada araw, senyales na mas episyente ang paglabas ng volcanic gas mula sa bulkan.

Patuloy ang lava effusion mula sa bunganga ng Mayon na umaabot sa 1.3 kilometro hanggang 3.4 km, kung saan ang pinakamahabang daloy ay namataan sa Basud gully sa Sto. Domingo.

Samantala, posible ang ashfall sa mga lugar ng Legazpi City, Daraga, Camalig, Sto. Domingo at Guinobatan, habang maaari ring makaranas ng bahagya ang ilang bahagi ng Ligao City, Tabaco City, Malilipot at Bacacay, ayon sa Phivolcs.