Olivas

1K na parak, bumbero nakaposte sa scout jamboree

Bernard Galang Dec 16, 2025
163 Views

CAMP CAPTAIN JULIAN OLIVAS–Mahigit 1,000 security personnel ang idineploy sa buong Central Luzon upang matiyak ang ligtas na pagdaraos ng 33rd Asia-Pacific Regional Scout Jamboree na nagsimula noong Disyembre 14 at matatapos sa Dec. 21.

Pinakilos ang mga security personnel sa pinagsamang security plan upang tiyakin ang seguridad ng pandaigdigang pagtitipon ng kabataan.

Mahigit 800 sa 1,000 ang mula sa Philippine National Police (PNP) at ang mga natitira mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ng mga awtoridad na saklaw ng komprehensibong deployment ang seguridad ng venue, pamamahala sa trapiko, crowd control, emergency response, fire safety, at iba pang tungkulin sa pampublikong kaligtasan.

Sinabi ni P/BGen. Rogelio Peñones Jr., hepe ng Central Luzon police, na binibigyang-diin ng pinaigting na mga hakbang sa seguridad ang kahandaan ng Central Luzon mag-host ng internasyonal na aktibidad.