Warrant

Kelot may warrant para sa boga, kulong dahil sa P5M illegal na yosi

Bernard Galang Dec 16, 2025
303 Views

TARLAC–Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaki at nasamsam sa kanyang possession ang mahigit P5 milyong halaga ng mga smuggled at hindi rehistradong sigarilyo noong Lunes sa Brgy. Cruz, Victoria, Tarlac.

Sa ulat kay CIDG acting director P/MGen. Robert Morico II, nakilala ang suspek na si alyas Anton, 37, na nahuli sa pamumuno ni Maj. Arvin Hosmillo dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Kahit walang nakuhang baril o bala sa suspek, sangkatutak na mga sigarilyong walang graphic health warning labels ang nasamsam kay alyas Anton.

Kabilang sa mga nasamsam ang 217 na kahon ng Modern cigarettes; tatlong kahon ng HP cigarettes; anim na kahon ng RGD cigarettes at tatlong kahon ng Playboy cigarettes na pawang may tig-50 reams bawat kahon.

Hinalughog pa ng mga pulis din ang isang Isuzu utility vehicle aluminum van (TQM-96)), kung saan nadiskubre ang 55 kahon ng Modern cigarettes at 33 kahon ng HP cigarettes.

Lumabag ang mga nasabing items sa RA 10643 (Graphic Health Warning Act) at RA 10963 kaugnay ng Customs Modernization and Tariff Act.

Nakatakdang magsampa ng mga kasong kriminal sa Tarlac City Provincial Prosecutor ang mga pulis laban sa suspek.