Carpio Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham JOSEPH MUEGO

2 BANK ACCOUNT NG CALE88 ‘ISINARA’ HULYO ’26 — TESTIGO

125 Views

DALAWANG bank account ng Cale88 Foods Corp. isinara umano noong Hulyo 2026.

Ito ang rebelasyon ng isang opisyal ng Security Bank sa ika-35 araw ng impeachment trial ng Bise Presidente nitong Miyerkules.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan, kinumpirma ni Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham na may dalawang peso checking account ang Cale88 — kumpanyang pag-aari ng asawa ni Bise Presidente VP Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio — sa kanilang bangko, ngunit kapwa isinara ang mga ito tatlong buwan na ang nakalipas.

“Yes, it appears that Cale88 has two checking accounts, but was closed already as of this point in time,” pahayag ni Cham.

Nang tanungin ni Pangilinan kung kailan isinara ang mga account, diretsahang sumagot si Cham: “It closed on July 2026.”

Ayon sa opisyal, binuksan ang unang account ng Cale88 noong Agosto 2024 at ang ikalawa noong Oktubre 2025. Parehong isinara ang mga ito noong Hulyo 2026, habang nahaharap na sa impeachment trial si Duterte.

Binigyang-diin ni Pangilinan na parehong binuksan ang mga account noong nakaupo na bilang Bise Presidente si Duterte at isinara habang nililitis siya sa Senado.

“When it was opened, Vice President was already Vice President. And when it was closed, of course, 2026,” ani Pangilinan.

Giit ng senador, mahalagang busisiin kung magkano ang perang pumasok at lumabas sa mga account, lalo na’t lumitaw sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang humigit-kumulang P319 milyong transaksyong nagmula sa China na may kaugnayan sa Cale88.

Ayon kay Cham, P332,530.95 na lamang ang closing balance ng unang account na nagtatapos sa numerong 2013, habang P21,164.27 naman ang natira sa ikalawang account na nagtatapos sa 8581.

Tinanong ni Senator Judge Raffy Tulfo si Cham kung maaaring balewalain ng mga bank manager ang Know-Your-Customer (KYC) requirements kapag may mataas na opisyal ng bangko na nag-utos na tanggapin ang deposito ng isang kliyente.

“Eh paano kung wala yung client at tumawag yung manager niyo, tumawag yung vice president ng bank, papasukin mo na yan? Kami ng bahala?” tanong ni Tulfo.

Mariin naman itong itinanggi ni Cham.

“We don’t do that,” sagot niya.

Paliwanag ng opisyal, anumang kuwestiyonableng transaksyon ay isinasangguni sa compliance office ng bangko para sa kaukulang pagsusuri at desisyon.

“We are very strict on the KYC in the compliance,” diin ni Cham.