Calendar
2 drug suspect timbog, P408,000 shabu nakumpiska sa Bulacan
SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan — Dalawang hinihinalang high-value individuals (HVI) ang inaresto ng pulisya noong Miyerkules sa isang anti-illegal drugs operation sa Barangay Sto. Niño 2 sa lungsod na ito.
Sa ulat ng San Jose del Monte City Police kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ang mga suspek bilang alias “Jawo,” 34, at alias “Aler,” 35, kapwa residente ng Bulacan.
Naaresto ang mga suspek sa Barangay Sto. Niño 2 matapos ang isang buy-bust operation na isinagawa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng San Jose del Monte City Police, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiska sa operasyon ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 60 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P408,000, gayundin ang marked money.
Dinala ang mga suspek sa San Jose del Monte City Police Station at kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

