Lindol

6.4 MAGNITUDE NA LINDOL GINULANTANG DAVAO ORIENTAL

288 Views

NIYANIG ng magnitude 6.4 na lindol ang Davao Oriental nitong Miyerkules ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa ahensiya, naganap ang lindol dakong alas-11:02 ng umaga. Una itong naitala sa lakas na magnitude 6.7 subalit kalaunan ay ibinaba sa magnitude 6.4.

Naitala ang sentro ng lindol may 55 kilometro silangan ng bayan ng Manay, Davao Oriental.

Naramdaman ang Intensity V sa Manay, Davao Oriental; Hinatuan sa Surigao del Sur; at Talacogon sa Agusan del Sur.

Intensity IV naman ang naitala sa Bislig City at Cagwait sa Surigao del Sur, pati sa Tarragona at Cateel sa Davao Oriental.

Samantala, Intensity III ang naramdaman sa Tandag City, Surigao del Sur; Boston at Baganga sa Davao Oriental; at Claver sa Surigao del Norte.

Intensity II naman ang naitala sa Davao City, General Santos City at Butuan City, gayundin sa Baybay City at Palo sa Leyte, at ilang bahagi ng Southern Leyte.

Nakapagtala rin ang Phivolcs ng instrumental intensity IV sa Malungon, Sarangani, habang instrumental intensity III ang naitala sa Kiamba, Sarangani; Digos City, Davao del Sur; at Davao City.

Nagbabala ang Phivolcs sa posibilidad ng mga aftershock at hinikayat ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga paalala ng lokal na pamahalaan at disaster response units.

Wala pang naiulat na malaking pinsala o nasaktan sa oras ng pag-uulat.