Calendar
US INALERTO CITIZENS SA BICOL SA PAG-ALBOROTO NG MAYON
NAGLABAS ng natural disaster alert ang United States Embassy sa Pilipinas para sa mga US citizens tungkol sa pagtaas ng Alert Level 3 sa Bulkang Mayon sa Albay.
Sa mensaheng inilabas nito ng Miyerkules, ibinahagi ng US Embassy ang ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na may naipong lava sa tuktok ng Bulkang Mayon.
Tumataas ang posibilidad ng pag-agos ng lava at mabilis na paggalaw ng nakamamatay na ulap ng mainit na gas, abo at bato — na tinatawag na pyroclastic density current — pababa ng dalisdis, sinabi nito.
Inihayag pa nito na maaaring maganap ang mapanganib na pagputok sa loob ng ilang araw o linggo.
Sinabi ng US Embassy na inirerekomenda ng Phivolcs na lahat ng nasa loob ng 6 kilometrong radius o 3.7 milya ay agad na lumikas. Ang lugar na ito ay isang permanent danger zone (PDZ) at ang pananatili rito ay lubhang mapanganib.
Pinag-iingat nito nang husto ang mga citizen ng US kung nakatira sa apektadong lugar at pinayuhang sundin ang opisyal na kautusan ng paglikas.
“Maintain active awareness of local conditions. Do not enter the PDZ or other high-risk areas,” pahayag ng US Embassy.
Subaybayan ang lokal na media at website ng Phivolcs para sa mga update, dagdag nito. Tingnan ang travel website ng State Department para sa Worldwide Caution, Travel Advisories, Alerts at Philippines Country Specific Information.
Para sa karagdagang impormasyon at tulong, mag-enroll sa Smart Traveler Enrollment Program (STEP) upang makatanggap ng alerts at mapadali ang paghanap sa mga US citizen sa oras ng emergency, saad pa nito.
Maaaring makipag-ugnayan sa US Embassy sa Manila, 1201 Roxas Boulevard, sa +(63) (2) 5301-2000, mula 7:30 a.m. hanggang 4:30 p.m., Lunes hanggang Biyernes. Ang after-hours emergency number para sa mga US citizen ay +(63) (2) 5301-2000.
Maaari ring tumawag sa 1-888-407-4747 (toll-free sa U.S. at Canada) o 1-202-501-4444 mula sa ibang bansa, mula 8 a.m. hanggang 8 p.m. Eastern Standard Time, Lunes hanggang Biyernes (maliban sa US federal holidays).
Samantala, pinalawig ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga abiso sa kaligtasan ng paglipad bunsod ng nagpapatuloy na aktibidad ng mga bulkan sa bansa.
Upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng operasyon sa himpapawid, naglabas ang CAAP ng mga binagong notices to airmen (NOTAMs) para sa mga sumusunod na lugar:
• Bulkang Kanlaon – Epektibo mula Enero 7, 8:27 a.m. hanggang Enero 8, 9 a.m.; saklaw mula sa ibabaw hanggang 11,000 talampakan.
• Bulkang Bulusan – Epektibo mula Enero 7, 8:31 a.m. hanggang Enero 8, 9 a.m.; saklaw mula sa ibabaw hanggang 10,000 talampakan.
• Bulkang Taal – Epektibo mula Enero 7, 8:29 a.m. hanggang Enero 8, 9 a.m.; saklaw mula sa ibabaw hanggang 11,000 talampakan.
• Bulkang Mayon – Epektibo mula Enero 7, 8:32 a.m. hanggang Enero 8, 9 a.m.; saklaw mula sa ibabaw hanggang 11,000 talampakan.
Mahigpit na pinapayuhan ng CAAP ang lahat ng operator ng eroplano na iwasang lumipad malapit sa mga tuktok ng bulkan at patuloy na subaybayan ang mga NOTAM at opisyal na abiso para sa mga susunod na pag-update.

