Calendar
2 most wanted arestado ng CIDG sa Bataan, Bulacan
INARESTO ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 3 ang dalawang indibidwal na nakalista bilang most wanted persons sa kani-kanilang lalawigan sa magkahiwalay na intel-driven police operations noong Pebrero 2, ayon kay CIDG RFU3 Chief Col. Grant Gollod.
Ayon kay Col. Gollod, nagsagawa ang mga tauhan ng CIDG Bataan Provincial Field Unit (PFU), bilang lead unit at katuwang ang Balanga City Police, ng OPLAN PAGTUGIS sa Barangay Central, Balanga City, Bataan na nagresulta sa pagkakaaresto kay alias Basuel, 29 taong gulang, isang construction worker at residente ng naturang barangay.
Ang suspek, na nakalista bilang no. 7 most wanted person ng Bataan Police, ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa acts of lasciviousness na inisyu ng Family Court, Branch 5, Balanga City, Bataan.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, siya ay dinala sa CIDG Bataan PFU para sa standard booking procedures at pansamantalang detensyon.
Sa parehong gabi, nagsagawa rin ng hiwalay na OPLAN PAGTUGIS ang CIDG Bulacan PFU, katuwang ang Malolos City Police, Bulacan PPO, sa Barangay San Juan, Malolos City, Bulacan.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto kay alias “Tito Amby,” 25, isa ring construction worker na residente ng lugar, at nakalista bilang ika-3 most wanted person ng Bulacan PPO.
Siya ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa acts of lasciviousness na inisyu ng Family Court, Third Judicial Region, Branch 04, Malolos City, Bulacan.
Dinala rin ang suspek sa CIDG Bulacan PFU para sa standard booking procedures at pansamantalang detensyon.
Sinabi ni Col. Gollod na ang mga matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy at walang humpay na pagsisikap ng CIDG sa pagtugis at pag-aresto sa mga wanted persons, lalo na ang mga sangkot sa mga krimen laban sa mga bata, bilang suporta sa pinaigting na kampanya kontra kriminalidad ng Philippine National Police.

