Lunod

2 “nalunod” sa Ecija di pa rin nakikita ng search at retrieval units

Steve A. Gosuico Aug 11, 2026
17 Views

Lunod1Lunod2Lunod3CABANATUAN CITY – Nananatiling bigo ang mga miyembro ng search and retrieval operation units ng Nueva Ecija Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa paghahanap sa isang lalaki at isang bata na pinangangambahang nalunod sa kasagsagan ng pag-ulan dulot ng Habagat at ng Bagyong Luis at Maymay simula nitong buwan ng Agosto.

Sa Talavera, hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang apat na taong gulang na si Christian Palguerra, ng Bgy. Esguerra, matapos umano itong umakyat ng puno ng mangga sa gilid ng sapa at mahulog sa tubig dakong alas tres ng hapon, araw ng Sabado.

Natanawan pa umano ang paslit habang humihiyaw sa sapa at nagpapasaklolo sa ina na walang magawa dahil kilik din nito ang isa pang anak.

Samantala, isang missing person din ang iniulat ng Laur municipal disaster risk reduction office at kinilala ito na si Benigno Evaristo, may cleft lip, putol ang isang daliri sa kaliwang paa at may tattoo sa kaliwang binti na may letrang AIZA.

Nabatid na nagpaalam ang biktima na tatawid sa ilog ng Pinagbayanan bago nawala nuong Agosto 5 alas onse ng gabi.

Ayon sa NE-PDRRMO, kasama nila sa search at retrieval operations ang MDRRMO units ng Laur, Bongabon at Cabiao sa pag-galugad sa kahabaan ng Pampanga River pa-downstream mula Cabanatuan City hanggang Cabiao ngunit bigo pa din silang mahanap ang dalawa.

Nanawagan ang NE-PDRRMO na ireport agad sa kanilang hotline numbers sa ibaba kung makakita sila ng katawan ng taong natangay sa baybayin ng Pampanga River. PDRRMO HOTLINE NOS. — SMART: 0921-946-6959; DITO SIM 1: 0991-006-0611; DITO SIM 2: 0991-007-9611.