Calendar
Larawan: PCG/FB
2 nawawala sa tumaob na bangka sa Zambales dedo na
NADAGDAGAN ang bilang ng mga nasawi sa trahedya sa Lake Mapanuepe sa San Marcelino, Zambales matapos matagpuan nitong Sabado, Agosto 29, ang dalawang pasaherong una nang naiulat na nawawala matapos tumaob ang isang motorbanca noong Agosto 27.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), kapwa menor de edad ang dalawang nasawi. Natagpuan ng mga residente ng Barangay Buhawen ang bangkay ng isang batang babae bandang alas-10:10 ng umaga, humigit-kumulang 50 metro kanluran ng lugar kung saan tumaob ang banca. Bandang alas-11:05 ng umaga naman, narekober ng search and rescue responders ang bangkay ng isang batang lalaki, nasa 30 metro timog-silangan ng pinangyarihan.
Kapwa positibong kinilala ng kani-kanilang mga ama ang dalawang bangkay. Dahil dito, isa na lamang na nasa hustong gulang na pasahero ang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.
Naganap ang insidente noong Agosto 27 habang pauwi ang 13 katao mula sa Sitio Lumibao matapos dumalo sa 4Ps meeting at medical vaccination sa Barangay Buhawen. Apat ang nakaligtas at anim ang naunang kumpirmadong nasawi. Patuloy naman ang search and retrieval operations para sa huling nawawalang pasahero, ayon sa PCG.

