Pishing

Gamit sa phishing nasamsam ng NBI sa Cavite

Jon-jon Reyes Aug 29, 2026
157 Views

NAKUMPISKA ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit ng 2 International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher na imano’y ilegal na pinaandar sa Imus, Cavite.

Ang operasyon ay nag-ugat sa pagsubaybay sa mga data transmission sa Block 19, Lot 36, Kensington 22, Lancaster Subdivision, Imus, Cavite.

Natunton ng mga imbestigador ang isang Honda Accord (ZNV 350) na iniuugnay sa mga data transmission mula sa nasabing lugar.

Kabilang sa mga natuklasan ang pagkakabit ng mga external antenna, lokal na pagtukoy sa mga transmisyon ng SMS para sa phishing o “smishing” at ang pagkakaroon ng pinaghihinalaang IMSI catcher sa loob ng sasakyan.

Nakumpiska ng mga operatiba ang 1 gumaganang IMSI catcher at natagpuan at nasamsam din ang ikalawang IMSI catcher sa loob ng bahay.

Ang mga IMSI catcher—na kilala ring *rogue base stations* o pekeng *cell tower*—ay kayang gayahin ang mga lehitimong pasilidad ng telekomunikasyon at maaaring gamitin upang matukoy ang mga *mobile device* sa isang partikular na lugar.

Kapag ginamit sa mga ilegal na gawain, ang ganitong kagamitan ay maaaring magdulot ng panganib sa privacy ng mga subscriber, seguridad ng telekomunikasyon at sa publiko sa pamamagitan ng pag-intercept ng mga komunikasyon sa mobile o pagpapadala ng mga mapanlinlang na text messages.

Ang ganoong operasyon ay maaaring ituring na paglabag sa mga batas ng Pilipinas na sumasaklaw sa cybercrime at nilalabag ang Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), Philippine Radio Control Law (RA 3846), Data Privacy Act of 2012 (RA 10173) at SIM Registration Act (RA 11934).

Ang mga nakumpiskang kagamitan ay sasailalim sa pagsusuri ng NBI.

Pinaalalahanan ni NBI Director Atty. Melvin Matibag ang publiko na manatiling mapagmatyag laban sa mga kahina-hinalang text messages, lalo na ang mga humihingi ng personal na impormasyon at account credentials o detalye ng pananalapi.

Hinimok niya ang publiko na iulat sa mga kinauukulan ang mga pinaghihinalaang mobile-based scam at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa cyber technology.

“Nananatiling nakatuon ang NBI sa pagprotekta sa publiko laban sa mga umuusbong na banta na gumagamit ng teknolohiya ng telekomunikasyon at sa pagtugis sa mga indibidwal na sangkot sa mga gawaing naglalagay sa panganib sa seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.