Cagayan Source PTV

4 patay sa landslide sa Cagayan de Oro City

207 Views

APAT na miyembro ng pamilya ang nasawi matapos matabunan ng lupa ang bagong gawang bahay ng mga ito sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Basyan sa Cagayan de Oro City.

Kabilang sa mga nasawi ang mag-asawang may-ari ng bahay, dalawa nilang pamangkin na edad 13-anyos at 11-buwang gulang na sanggol.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 10, naganap ang landslide dakong 10:30 ng gabi sa Zone -1, Sambulawan, Gabule Compound, Barangay Agusan, Cagayan de Oro City.

Napag-alaman na ang lugar ay bahagi ng isang bukiring komunidad sa nasabing barangay.

Bumigay umano ang pundasyon ng bahay at tumabon ang mga naka-imbak na lupa sa gilid nito na hinukay habang ginagawa ang bahay.

Agad namang na-recover ang mga bangkay ng biktima at dinala sa kanilang mga kaanak.

Samantala, iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot sa 6,152 katao o 1,848 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Basyang sa Caraga.

Sa nasabing bilang, 5,847 indibidwal o 170 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers habang 268 katao o 101 pamilya ang lumikas sa ibang lugar.

Dahil sa lakas ng ulan at hangin na dulot ng bagyo ay tatlong lugar din sa rehiyon ang nawalan ng kuryente.

Umabot din sa 41 seaports sa Western Visayas, Negros Island Region, Caraga ang nagsuspinde ng operasyon na nagresulta sa pagkaka-stranded ng 1,024 pasahero.

Sinuspinde rin ang klase sa 239 lugar sa Western Visayas, Negros Island region, Central Visayas at Caraga.