LAptop

CIDG nang-raid ng lungga ng laptop

Bernard Galang Feb 6, 2026
176 Views

OLONGAPO CITY–Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Huwebes ang limang Chinese at nasamsam ang mahigit 2,400 na laptop na nagkakahalaga ng P12.19 milyon na ibinebenta ng walang permiso mula sa National Telecommunications Commission (NTC) sa Subic Bay Gateway Park ng Subic Bay Freeport Zone.

Kakasuhan ang limang naaresto ng ng paglabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.

Kinilala sa mga alyas na Gong, 29; Feng, 49; Zeng, 46; at Xiao, 57; at Bora, 61, ang mga naaresto.

Samantala, pinaghahanap pa ang umano’y may-ari ng laptop bisness na si alyas Jia, isa ring Chinese national.

Nasamsam ng mga awtoridad ang 460 Dell Chromebooks, 600 Acer Chromebooks, 690 HP Chromebooks at 650 Lenovo Chromebooks at 65 na iba’t-ibang uri ng mobile phones, isang order book, isang backjob checklist report at isang certificate of registration mula sa Bureau of Customs.

Ayon kay Col. Grant Gollod bunga ang operasyon ng apat na buwang intelligence-driven investigation matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant.

Lumabas sa imbestigasyon na umano’y ina-assemble at nire-refurbish ang mga laptop sa loob ng Subic Bay Freeport Zone—na itinakda lamang para sa export operations—at iligal na inililihis ang mga produkto para ibenta sa lokal na merkado.

Ibinebenta ang mga produkto sa mga pisikal na tindahan at online platforms sa napakababang presyo nang walang pahintulot ng National Telecommunications Commission para makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.

Inihahanda na ang mga kaso laban sa mga inaresto kaugnay ng paglabag sa Consumer Act of the Philippines, Unfair Competition, at Ecological Solid Waste Management Act.