Calendar
Source: Misamis Occidental PNP
4 PULIS PATAY, 3 SUGATAN SA PNP MOBILE PATROL NA NAHULOG SA BANGIN
APAT na miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang PNP mobile patrol na sinasakyan ng mga ito sa Misamis Occidental.
Nakilala ang mga nasawi na sina Police Staff Sergeant Vilcon Tuyan Macabugto, Patrolman Neljie Arsula Marban, Patrolman Rudilyn Ruiz Pacut at Patrolman Louel Geraga Cordova, pawang mga miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Isinugod naman sa pagamutan ang tatlo pang pulis na lulan din ng sasakyan.
Naganap ang insidente sa Barangay Napangan, Don Victorino, Misamis Occidental.
Kabilang ang sasakyan ng mga biktima sa security convoy ng mga organizers ng National Pageant Philippines at mga empleyado ng Provincial Tourism Office.
Magbabantay sana ang mga pulis sa mga aktibidad ng Binibining Pilipinas sa lugar.
Pagsapit sa naturang lugar, nawalan ng kontrol ang driver sa manibela kaya’t tumilapon ang sasakyan sa bangin.
Sa lakas ng impact, nawasak ang sasakyan at nagtamo ng grabeng sugat sa katawan ang mga pulis.
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.

