Robbery

5 Angeles pulis na sangkot sa P14M nakawan tanggal sa pwesto

Bernard Galang Dec 5, 2025
394 Views

INIUTOS ni Police Regional Office 3 (PRO-3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. ang pag-relieve sa limang pulis ng Angeles City Police Office na umano’y nagnakaw ng P14 milyon mula sa bahay ng contractor sa Porac, Pampanga.

Ang mga inireklamong pulis—isang police major, dalawang staff sergeant, at dalawang corporal—ay pawang nakatalaga sa Angeles City Police Office Station 2.

Ayon kay Peñones, buo ang suporta ang PRO-3 sa PNP focused agenda on Integrity Monitoring upang matiyak na ang propesyonalismo, pananagutan at tapat na serbisyo-publiko ay mahigpit na naipapatupad.

Aniya, matapos ang ulat ng P14 milyon na pagnanakaw sa Bgy. Sta. Cruz, Porac, Pampanga, ang mga pulis na unang naiugnay sa insidente ay agad na inalis sa kanilang mga posisyon bilang standard procedure habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ibinunyag din ni Peñones na bumuo sila ng isang Special Investigation Task Group (SITG) upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at tiyakin na magiging airtight ang kaso.

Sinabi niyang ang lahat ng kaugnay na yunit ay nagtitipon ng ebidensya, nagva-validate ng timeline, at nire-review ang mga impormasyon para matukoy ang buong pananagutan.

Idinagdag ng hepe ng PRO-3 na gagawin nila ang lahat upang matukoy ang lawak ng partisipasyon ng limang pulis sa pagnanakaw.

Ang mga akusadong pulis ay nasa ilalim na ngayon ng restrictive custody sa Personnel Holding Area sa Camp Lt. Tomas Pepito sa Angeles City.

Sinabi ng biktimang si Ma. Dabbie Lacson, 39, ng Brgy. Sta. Cruz, Porac, na tatlong lalaki ang pumasok sa kanilang bahay at sapilitang ipinapasok siya at ang kanyang tatlong kasambahay, kabilang ang dalawang bata, sa banyo.

Tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang scooter-type na motorsiklo.

Pag check nila sa kanilang bahay, natuklasan ni Lacson na ang drawer ng built-in cabinet sa master’s bedroom sa unang palapag ay sapilitang binuksan at tinangay ang tinatayang P14,000,000 cash.