Shooting

8 Pinoy teachers ligtas sa Thailand school shooting

44 Views

Shooting1WALANG Pilipinong nasaktan sa karumal-dumal na pamamaril sa isang paaralan sa Thailand na ikinasawi ng pitong katao at ikinasugat ng marami pa noong Biyernes, ayon sa Philippine Embassy sa Thailand.

Kinumpirma ng embahada na ligtas at maayos ang lahat ng walong rehistradong Filipino teachers na nagtuturo sa Debsirin School Nonthaburi.

Ayon sa embahada, patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon at nakahanda silang magbigay ng anumang kinakailangang tulong sa mga Pilipinong maaaring maapektuhan ng insidente.

Nagpaabot din ang Philippine Embassy ng pakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi, gayundin sa buong komunidad ng paaralan at sa pamahalaan ng Thailand.

“The Philippine Embassy extends its deepest sympathies and heartfelt condolences to the families and loved ones of the victims, as well as to the entire school community and the Thai government following the tragic school shooting incident at Debsirin School Nonthaburi,” pahayag ng embahada.

Ipinagdasal din nito ang mabilis at lubos na paggaling ng mga nasugatan, habang nagpahayag ng pakikiisa ang Pilipinas sa Thailand sa gitna ng trahedya.

Batay sa mga lokal na ulat, nagsimula ang pamamaril dakong 10:12 ng umaga sa ikaanim na palapag ng Building 5 ng paaralan.

Isang estudyante ng nasabing paaralan ang kinilalang suspek ng pulisya. Matapos ang pamamaril, iniulat na itinutok nito ang baril sa sarili at namatay.

Samantala, patuloy na nakabantay ang Philippine Embassy sa mga kaganapan at nakahanda itong umagapay sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong.