Calendar
Impeachment endorser at House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” M. Abante Jr.
Abante sa bumawing 4 bumawing “Maleta Boys”: Tukuyin mastermind sa likod ng “gawa-gawang” affidavit
HINAMON ni impeachment endorser at House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” M. Abante Jr. nitong Sabado ang apat na miyembro ng tinatawag na “Maleta Boys” na bumawi sa kanilang mga naunang sinumpaang salaysay na tukuyin ang mga taong umano’y nasa likod ng paghahanda ng mga affidavit na sinasabi nilang gawa-gawa, at maglahad ng ebidensiya laban sa mga responsable.
Ayon kay Abante, nagbabangon ng seryosong mga tanong ang pagbawi ng apat sa kanilang mga salaysay na kailangang sagutin, lalo na matapos nilang sabihin na sila ay pinilit, binantaan o hinikayat na lumagda sa mga inihandang affidavit.
“Ang hinihingi natin ay simple: buong katotohanan. Kung fabricated ang mga affidavit, sino ang nag-fabricate? Kung scripted, sino ang gumawa ng script? Kung may mastermind, pangalanan at patunayan,” ani Abante.
Ayon sa mga ulat, sina Rosebert Macasasa Waupan, Cecilio Serafica Larroder Jr., Benny Bulontate at Bernard Tube —na nagpakilalang mga dating bodyguard ng dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co —ay nagsagawa ng magkakahiwalay na affidavit upang bawiin ang mga pahayag na nauna nilang isinumite sa Office of the Ombudsman.
Ang kanilang mga naunang sinumpaang salaysay ay naglalaman ng mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Co, at ilang iba pang personalidad sa politika.
Sa kanilang mga pagbawi sa salaysay, sinabi ng apat na sila ay pinilit, binantaan o hinikayat na lumagda sa mga inihandang affidavit. Iginiit din nila na kabilang umano si abogado Levito Baligod sa mga taong nag-utos o gumabay sa kanilang mga aktibidad at nagturo sa kanila kung ano ang kanilang sasabihin sa publiko.
Sinabi ni Abante na kung iginigiit ngayon ng apat na gawa-gawa ang kanilang mga naunang sinumpaang salaysay, mayroon silang pananagutang lubusang ibunyag kung paano nabuo ang mga affidavit, kung sino umano ang nag-isip at naghanda ng mga ito, at kung anong ebidensiya ang sumusuporta sa kanilang mga bagong pahayag.
“Ngayong sinasabi mismo ng apat na gawa-gawa ang kanilang mga naunang salaysay, hindi puwedeng hanggang pagbawi na lamang. Sabihin nila ang buong katotohanan. Sino ang nagplano nito?
Sino ang naghanda ng mga affidavit? Sino ang nag-utos? At ano ang pakay?,” tanong ni Abante.
“Kung sinasabi nila ngayon na gawa-gawa ang kanilang mga naunang affidavit, mayroon silang pananagutang tukuyin ang mga taong nasa likod nito. Pangalanan ang mga tao, sabihin ang buong kuwento, at ilahad ang ebidensiya,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Abante na ang pagbawi sa isang affidavit ay hindi awtomatikong nagtatakda kung alin ang totoo o mali. Aniya, ang mga bagong alegasyon ng paggawa-gawa, pamimilit at panghihikayat ay kailangan ding siyasatin at suportahan ng ebidensiya.
“Hindi sapat na sabihing fabricated ang affidavit. Kung may nagdikta, nagturo, nag-pressure o nag-utos sa kanila, pangalanan nila. Kung may ebidensya sila, ilabas nila. The truth cannot depend on which affidavit happens to be the latest one,” ani Abante.
Sinabi ng mambabatas mula Maynila na mahalagang matukoy ang mga pangyayari sa likod ng paggawa at pagpirma sa mga orihinal na affidavit, hindi lamang upang maitatag ang katotohanan kundi upang mapanagot din ang sinumang maaaring sadyang gumawa ng mga sinumpaang salaysay upang maling idawit ang mga opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Abante, ang mga alegasyong binabawi na ngayon ay tila naglalayong siraan ang mga mambabatas at personalidad na sangkot sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
“Hindi lang pangalan ng mga mambabatas ang sinira ng mga alegasyong ito. Siniraan din ang kredibilidad ng mga prosecutor at mga nagsusulong na panagutin si Vice President Sara Duterte,” ani Abante.
“Kung fabricated ang mga affidavit, dapat malaman kung sino ang nasa likod nito at kung ano ang tunay na pakay. Hindi puwedeng gumawa ng kuwento, manira ng pangalan, at pagkatapos ay walang mananagot,” dagdag niya.
Si Abante, na isa sa mga endorser ng impeachment complaint laban kay Duterte, ay naunang nagsampa ng mga reklamong libel at cyberlibel laban kay Baligod at 18 dating bodyguard matapos siyang idawit sa mga alegasyong may kinalaman sa umano’y paghahatid ng mga bagahe na puno ng pera.
“From the beginning, I maintained that the accusations against me were false and baseless. I went to court to defend my name. Now that some of them are withdrawing their statements, the public deserves to know how these allegations came about and who was behind them,” ani Abante.
“Hindi na lamang ito tungkol sa pagbawi ng isang affidavit. Ang mas malaking tanong ay kung may mga taong nasa likod ng paghahanda at pagpapakalat ng mga pahayag na mismong mga affiant ay itinatanggi na ngayon,” dagdag niya.
“Hindi maaaring may mga taong pagbibintangan at sisiraan sa publiko, tapos kapag binawi ang salaysay ay doon na matatapos ang usapan. Kailangang malaman ang buong katotohanan at managot ang sinumang mapatutunayang responsable,” ani Abante.
Hinamon din nitong Biyernes ni House trial spokesperson at impeachment adviser Ace Barbers ang mga dating bodyguard na tukuyin ang mga taong sinasabi nilang nag-ayos o nag-organisa ng mga sinumpaang salaysay na binawi na nila, at iginiit na dapat managot ang mga responsable.
Pinangalanan din ng apat sina dating Rep. Mike Defensor at Sen. Rodante Marcoleta bilang ilan sa mga personalidad na umano’y nangako sa kanila ng legal o political na suporta.
Samantala, si Jeron Gaveria Balderama, na nagsagawa rin ng affidavit, ay hindi bumawi sa alinman sa dati niyang testimonya. Sa halip, sinabi niya na hindi siya miyembro ng grupong tinatawag na “18 Marines,” wala siyang personal na kaalaman sa mga alegasyong nakapaloob sa mga affidavit ng grupo, at hindi niya kailanman nasaksihan ang umano’y paghahatid ng pera, mga maleta o paper bag.

