NBI

PAGBAWI PRUWEBA NA 1ST TESTIMONYA GAWA-GAWA

44 Views

ANG pagbawi ng pahayag ng apat sa 18 na tinaguriang “Maleta Boys” ay nagpapatunay na peke o gawa-gawa lamang ang kanilang unang testimonya, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, isang testigo ng prosekusyon sa impeachment.

Sa panayam sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Matibag na ang apat na bumawi sa kanilang mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay nagbigay na ngayon ng ibang salaysay.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ng apat na lalaki, na itinago ang kanilang mga mukha at pagkakakilanlan, na inalok umano sila ng pera kapalit ng kanilang unang testimonya kasama ang 14 pa nilang kasamahan.

Ayon sa kanila, hindi sila ang gumawa ng kanilang mga affidavit kasama ang iba pang dating kasamahan at pumayag lamang silang lumagda matapos silang pangakuan ng tulong pinansyal.

Ang tawag na “Maleta Boys” ay tumutukoy sa 18 dating tauhan ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na nagsabing sila ang naghatid ng mga kickback mula sa mga proyekto sa flood control para sa ilang mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno.

“Sinabi nila ngayon na iyon ang nangyari,” ani Matibag, na tumutukoy sa apat na bumawi ng kanilang pahayag.Sinabi niya na ang pagbawi ng mga ito ay tumutugma sa resulta ng imbestigasyon ng NBI sa mga dating tauhan ni Co, kung saan lumabas umano na naturuan sila kung paano ihahayag ang mga alegasyon sa kanilang pinagsamang affidavit.

“Umaayon ito sa aming mga natuklasan. Noong Nobyembre pa lamang, kasama na sina Atty. (Levito) Baligod at Mike Defensor (dating kongresista) hanggang Pebrero, at lumalabas na tila tinuruan sila kung anong kuwento ang kanilang sasabihin,” pahayag ni Matibag.

“Ngayong binabawi na nila ito, lalo nitong pinatitibay ang posisyon ng NBI at ang resulta ng aming imbestigasyon na hindi mapagkakatiwalaang mga saksi ang mga ito,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Dino de Leon, isa sa mga abogado ni dating kalihim ng hustisya at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, na ang mga alegasyon ng “maleta boys” ay kahawig ng mga gawa-gawang kaso na isinampa laban sa kanyang kliyente noong administrasyong Duterte.

“Malinaw na ang mga diumano’y dating Marines na ito ay hindi naman pala, ginamit lamang, at hindi mapagkakatiwalaan. Ngayon ay binabawi na nila ang kanilang mga pahayag. Muli nating nakita ang pattern ng paggawa ng ebidensya — tatak Duterte ito,” ani de Leon.

Binanggit niya na nagsampa ang Department of Justice ng mga kasong perjury at cyberlibel laban sa “Maleta Boys.” Matapos matukoy ng korte na may probable cause, naglabas ito ng mga warrant of arrest laban sa kanila.

“Pinatitibay lamang nito ang katotohanan na hindi sila mapagkakatiwalaan. Nakita na rin ito ng korte at sapat ito upang maglabas ng warrant of arrest. Nakita rin ito ng Department of Justice bilang prima facie na ebidensya na may makatwirang posibilidad ng pagkakahatol,” dagdag niya.