Pulis

870 bagong patrolman, patrolwoman nanumpa

Bernard Galang Dec 17, 2025
148 Views

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Pormal nang naging bahagi ng Philippine National Police (PNP) ang kabuuang 870 bagong patrolman at patrolwoman matapos silang manumpa sa tungkulin noong umaga ng Disyembre 17 sa PRO3 Post Grandstand, Camp Captain Julian Olivas.

Mula sa mahigit 3,000 aplikante, 870 lamang ang nakapasa sa mahigpit na proseso ng rekrutment na kinabibilangan ng masusing screening, medical at psychological examinations, at background validation.

Sa bilang na ito, 550 ang napunan mula sa attrition quota habang 320 naman ang mula sa regular quota, na inaasahang magpapalakas sa police manpower, magpapabuti sa police-to-population ratio, at magpapataas ng police visibility at operational readiness sa buong Central Luzon.

Pinangunahan ni PRO3 director Brigadier General Ponce Rogelio I. Peñones Jr. ang panunumpa ng mga bagong pulis matapos silang pormal na iharap ni Police Colonel Rommel S. Batangan, Deputy Regional Director for Administration.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBGEN Peñones na ang serbisyo sa pulisya ay hindi lamang trabaho kundi isang pananagutan at pagtupad sa tiwala ng publiko.

“Ang pagiging pulis ay hindi basta hanapbuhay—ito ay isang tungkulin, pananagutan, at bokasyon. Sa pagtaas ng inyong kanang kamay, kayo ay nangakong maglilingkod nang tapat—kahit mahirap, kahit walang nanonood, at kahit walang pumupuri,” ani Peñones.

Dagdag pa niya, ang pagpasok ng mga bagong pulis ay direktang sumusuporta sa PNP Focused Agenda ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., partikular sa larangan ng personnel development at pagpapatibay ng ugnayan ng pulisya at komunidad.

Ipinapakita ng aktibidad ang patuloy na pagsisikap ng PRO3 na bumuo ng isang disiplinado, propesyonal, at makataong hanay ng kapulisan na nakatuon sa paglilingkod at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Central Luzon.