Calendar
RIDER INILIGTAS NG PULIS SA KAMATAYAN
ANG agarang pagtugon ng mga pulis sa Barangay Shilan, La Trinidad, Benguet, ay naging mahalaga sa pagliligtas ng buhay ng isang biktima ng aksidente sa motorsiklo, habang nagsasagawa ng pagpapatrulya.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Shilan Fixed Visibility Point (FVP) na pinamunuan ni Police Senior Master Sergeant Patrick P. Culbongan, katuwang ang mga kawani ng Brgy. Shilan, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa isang aksidente sa motorsiklo.
Pagdating sa lugar, natagpuan ang biktima na walang malay, walang makitang vital signs, at may mga nakikitang pinsala sa katawan.
Bilang isang sinanay na advanced combat medic at dating ambulance crew member, kaagad na nagbigay ng oxygen at nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) si Culbongan.
Matapos ang paunang lunas, isinugod ang pasyente sa Benguet General Hospital sakay ng Tublay Fire Ambulance upang mabigyan ng karagdagang medikal na atensyon.
Kinumpirma naman ng pamunuan ng ospital na bumuti ang kalagayan ng biktima pagdating doon, na lalo pang nagbigay-diin sa kahalagahan ng maagap at maayos na interbensyon ng mga pulis sa oras ng emerhensiya.
Ayon kay acting Philippine National Police (PNP) Chief PLt. General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinapakita ng ganitong mga insidente kung paano tunay na nararamdaman ng publiko ang serbisyo ng pulisya, lalo na sa mga kritikal na sitwasyon.
“Buti na lang mabilis kumilos ang ating mga pulis. Dahil sa kanilang agarang aksyon at tamang first aid, may isang buhay na nailigtas,” ani Nartatez. “Ganito ang uri ng serbisyo na gusto nating makita at maramdaman ng taumbayan.”
Dagdag pa niya, ang makabagong pagpupulis ay hindi lamang nakatuon sa presensiya kundi pati sa kahandaan at malasakit.
“Hindi lang pagpapatupad ng batas ang trabaho ng pulis. Sa mga ganitong pagkakataon, malinaw na ang pulis ang isa sa unang rumeresponde kapag may nangangailangan ng tulong,” dagdag ni Nartatez.
“Ito ang diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas―serbisyong mabilis, tapat, at tunay na nararamdaman sa komunidad,” aniya.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng PNP, si Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, na patuloy ang PNP sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga tauhan nito at sa pagpapatibay ng koordinasyon sa mga lokal na katuwang, upang matiyak ang maagap, maaasahan at makataong serbisyo ng pulisya para sa sambayanan.

