Tulfo

Erwin Tulfo nagbabala vs taas singil ng kuryente, substandard na serbisyo ng power firms sa Super El Nino

29 Views

NAGBABALA si Senador Erwin Tulfo, ang tagapangulo ng Senate Committee on Energy, sa mga mga power companies laban sa pagtatala ng hindi makatarungang singil sa kuryente o pagbibigay ng substandard na serbisyo sa gitna ng matinding panahon tulad ng “Super El Niño.”

Ito ay matapos magpalabas ng babala ang Department of Energy (DOE) at iba’t ibang electric cooperatives ukol sa inaasahang pagtaas ng singil sa kuryente at mga rolling blackout.

“Inaasahan naman talaga na apektado ang presyo at suplay ng kuryente dahil sa epekto ng demand pero kinakailangang maging makatarungan at makatwiran ang anumang pagtaas ng presyo. Hindi ito dapat basta-basta na magdadagdag sa mabigat na pasaning pinansyal ng mga pamilyang Pilipino araw-araw,” pahayag ni Tulfo.

Dagdag pa niya: “Hindi ako magdadalawang-isip na imbestigahan ang mga power generation companies o distribution utilities na aabuso sa climate crisis na ito upang magpalaki ng kanilang kita.”

Hinimok din Senate Committee on Energy Chariman ang DOE at ang Energy Regulatory Commission (ERC) na protektahan ang mga konsyumer hindi lamang laban sa mapagsamantalang pagpepresyo kundi maging sa nagbabadyang pagtaas ng singil sa kuryente at mga pagbaba ng supply.

“Karapatan ng publiko na malaman kung bakit tumataas ang kuryente at bakit nagbabago ang serbisyo. Habang pinaghahandaan ng bansa ang ganitong krisis sa klima, dapat unahin ng energy sector ang kapakanan ng mamamayan kaysa sa labis na kita ng mga kompanya. Pananagutin ng Committee on Energy ang sinumang magtatangkang umabuso sa El Niño,” anang Tulfo.

“Hindi natin pwedeng pabayaan lang ang pagtaas ng singil sa kuryente habang nagdurusa ang ating mga mamimili sa init at pabigat sa ekonomiya ng Super El Niño,” dagdag pa niya.

Pagbibigay-diin ni Tulfo, dapat may mabilisang pagpapatupad ang DOE at ERC ng konkretong plano para may sapat na suplay at may tamang pagpepresyo ng kuryente sa anomang panahon.

Bagama’t kinikilala ni Tulfo na inaprubahan ng Kamara ang pondong nakalaan para sa pagpapalawak ng sitio electrification sa ilalim ng 2027 General Appropriations Bill, binigyang-pansin niya na hindi ito magiging sapat kung hindi magtutulungan ang mga ahensya ng ehekutibo upang maibsan ang sitwasyon sa ground.

Ayon sa Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), inaasahang magiging isang “Very Strong El Niño” ang panahon sa pagitan ng buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 2026, at magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng taong 2027.