Calendar
Hiling ni Aquino sa gobyerno: Interes sa pautang, i-waive muna
HINILING nitong Martes ni Senador Bam Aquino sa mga lending at financial institution ng gobyerno na huwag munang maningil ng interes sa pautang ng maliliit na negosyo, online sellers at manggagawa mula Enero hanggang Marso 2027, bilang tulong sa epekto ng “Super El Niño.”
Ayon kay Aquino, inaasahang aabot sa rurok ang epekto ng “Super El Niño” mula sa huling bahagi ng 2026 hanggang sa unang quarter ng 2027. Kabilang dito ang mas mababa sa normal na dami ng ulan, dry spells at tagtuyot sa iba’t ibang lugar.
“Ngayong inaasahang magreresulta ang Super El Niño sa pagtaas ng presyo ng bilihin, kuryente, produktong petrolyo, at iba pang mahalagang bilihin, tiyak na tatamaan ang kita at kabuhayan ng ating maliliit na negosyante, manggagawa, at ordinaryong Pilipino,” ani Aquino.
“Malaking tulong sa maaapektuhang sektor kung hindi muna papatawan ng interest ng gobyerno ang kanilang mga pautang hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon,” dagdag niya.
Ayon kay Aquino, chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, maaaring pansamantalang ihinto ng Small Business Corporation (SB Corp) ang paniningil ng interes. Makatutulong umano ito sa maliliit na negosyo at online sellers na posibleng tumaas ang gastos sa operasyon dahil sa El Niño.
Hinimok din niya ang Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund at Government Service Insurance System (GSIS) na pag-aralan ang kahalintulad na hakbang para sa mga manggagawa at middle class na nangungutang.
“Kung pansamantalang ititigil ang pagpataw ng interes sa kanilang mga loan, mabibigyan natin ng ginhawa ang ating mga manggagawa at middle class para may dagdag na pantustos sila para sa pangangailangan ng pamilya sa harap ng mataas na presyo ng bilihin,” ani Aquino.
Nauna nang hiniling ni Aquino kay Senate President Sherwin Gatchalian na muling ipatawag ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee para paghandaan ang epekto ng “Super El Niño.” Pinamumunuan ni Gatchalian ang komite, na binuo ng Senado noong Marso 2026 para tugunan ang epekto ng kaguluhan sa Middle East sa supply ng langis at ekonomiya ng bansa.

