Calendar
Source: Traffic Enforcement Unit- GenSan
2 tegi, 4 duguan sa illegal na karera ng 2 motorsiklo sa GenSan
PATAY ang dalawang indibidwal habang sugatan ang apat na iba pa sa umano’y drag racing ng dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Digos-Makar road sa Purok 5, Barangay Katangawan, General Santos City.
Naganap ang insidente dakong 8:25 ng gabi sa sa naturang lugar.
Nakilala ang mga nasawi na sina alyas Ernesto, 60, residente ng Barangay San Isidro at alyas Jay Boy, isang estudyante na residente ng Barangay Katangawan.
Isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan na sina alyas Rey, 27; Alyas Elmer, 46; sikad driver na si alyas June, 46, at hindi pa nakikilalang lalaki na pawang mga residente ng Barangay San Isidro.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng lokal na pamahalaan ng General Santos City, patungo sana sa Barangay Lagao ang mga sakay ng sikad nang salpukin ito ng isa sa dalawang motorsiklong umano’y nag-uunahan sa kalsada.
Ayon sa ulat, tumama ang motorsiklo sa likurang bahagi ng sikad, kung saan nakasakay ang 60-anyos na biktima.
Dahil sa lakas ng banggaan, kapwa nasawi sa lugar ang matandang pasahero at ang rider na sangkot sa insidente.
Inaasahan namang maghaharap sa tanggapan ng TEU-General Santos City ang mga pamilya ng dalawang nasawi upang pag-usapan ang posibleng areglo kaugnay ng insidente.
Paalala naman ng mga awtoridad sa publiko,iwasan ang ilegal na karera sa pampublikong kalsada para makaiwas sa disgrasya.
