Calendar
SOURCE:MIKI TV FB/KUYA JR TV FB
Libo-libo nakiisa sa ‘funeral march’ ni Ser Bong TV; ina ng biktima sigaw ay hustisya



CABANATUAN CITY – Libu-libo ang nakiisa at sumaksi sa “last trip” (funeral march) ng napaslang na Grab delivery rider-vlogger na si Ser Bong TV nang ihatid ito sa kanyang huling hantungan sa Eternal Gardens Memorial Park sa Emilio Vergara Boulevard sa Bgy. Sta. Arcadia nitong ala-una ng tanghali, araw ng Martes.
Sa libing ng anak, umiiyak na sumisigaw ng hustisya ang ina ng vlogger. “Bilang isang ina, ito ang pinakamabigat na pagsubok na dinanas ko sa aking buhay, nawa’y matagpuan namin ang hustisya para sa aking anak.”
Ang biktimang si Ser Bong TV, kilala sa totoong buhay bilang Rhaulito Uy Mariñas, 48, ay binaril ng di-kilalang gunman sa isang insidente umano ng holdapan na naganap sa Markville Subdivision sa Bgy. Mayapyap Sur noong 9:40 p.m. noong Huwebes, Oktubre 15.
Sa kanyang pagkamatay, inilagak ang mga labi ni Mariñas para sa burol nito sa Room 201 ng St. Peters Chapels sa Maharlika Highway sa Bgy. Valdefuente.
Sa kanyang “huling gabi” noong Lunes, bumuhos ang malaking bilang ng mga tagasuporta ng biktima, kabilang ang mga kapwa vloggers, content creators mula Cabanatuan City at iba pang mga lugar, at mga delivery rider ng Grab at Food Panda na dumalaw sa kanya bilang pagpapakita ng puwersa at suporta para sa nasawing vlogger.
Sumasalamin aniya ito ng isang mapagmatyag na komunidad na nagkakaisa sa matinding pagdadalamhati at isang kolektibong kahilingan para sa hustisya upang magawa ng mga awtoridad ang kanilang mandato na malutas ang kaso sa lalong madaling panahon.
Ang mga miyembro ng Nueva Ecija Vloggers Association, kabilang ang Bermuda Brothers na unang nakasama ng napaslang na vlogger, ay nanguna rin sa isang pampublikong panawagan ng suporta para sa kanilang nasawing kasamahan.
Hiniling nila sa Nueva Ecija police na tugisin, arestuhin ang mga salarin, at bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Ang “last trip” mula sa St. Peters Chapels patungo sa Eternal Gardens Memorial Park, na may layong humigit-kumulang 7.6 kilometro, ay itinampok ang pagsali ng motorcycle riders sa funeral march na may dalang puting lobo na nakatali sa kanilang mga motorsiklo.
Sa Eternal Garden Memorial Park, umapaw ang luha pati ang emosyon habang binibigkas ang mga eulohiya na nagpaparangal sa nasawing vlogger bago sinelyuhan ang kabaong nito at tuluyang isinilid sa puntod at ibinaon sa lupa.
Sa huling bahagi, isinagawa ang isang ritwal sa libing kung saan pinakawalan ang mga puting lobo upang sumimbolo sa kapayapaan at mapagmahal na kaisipan para sa yumaong vlogger.

