Pic Source: PNA

QC police inaresto journalist, 72, kaugnay ng kasong online libel

28 Views

DINAKIP ng Quezon City police ang isang 72-anyos na journalist sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong online libel nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang akusado sa alyas na “Phil,” na naaresto dakong alas-11:10 ng umaga sa DAPO Restaurant sa Scout Borromeo Street, Quezon City.

Nagsagawa ng operasyon ang Warrant Section ng Kamuning Police Station 10, katuwang ang Quezon City District Anti-Cybercrime Team, batay sa nakalap na intelligence information.

Inilabas ang warrant ng Branch 10 ng Regional Trial Court sa Davao City dahil sa umano’y paglabag sa Section 4(c)(4) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang akusado habang hinihintay ang kaukulang proseso ng korte.

Ayon kay QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo, ipinatutupad ng pulisya ang batas anuman ang propesyon o katayuan ng inaaresto, kasabay ng paggalang sa mga karapatang konstitusyonal at due process.