OFW

Hinaing, mungkahi ng OFWs sa Bahrain naipaabot sa DMW

Jun I Legaspi Oct 26, 2026
19 Views

DIREKTANG naipaabot ng Filipino community sa Bahrain ang mga hinaing at mungkahi nila tungkol sa trabaho, pensyon, edukasyon, kalusugan at kabuhayan sa pakikipagpulong kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac noong Linggo.

Naging pagkakataon ang pagtitipon upang talakayin ang mga serbisyo at programang maaaring mapakinabangan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at ng kanilang pamilya.

Ibinahagi ni Cacdac ang pagtugon ng pamahalaan sa krisis sa Middle East, partikular sa Bahrain, kung saan 4,300 OFWs ang nabigyan ng financial assistance, 6,000 food packs at pag-repatriate ng 1,000 OFWs gayundin ang tulong sa mga manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia.

Para sa mga OFW na nahaharap sa problema sa trabaho o nangangailangan ng agarang tulong, ipinaliwanag ni Secretary Cacdac ang patuloy na legal assistance at medical assistance sa ilalim ng AKSYON Fund, at mga serbisyo ng OFW Hospital.

Tinalakay rin ang pag-aksyon sa mga reklamo ng mga kasambahay, paglaban sa illegal recruitment at human trafficking, at pagpapasara sa mga hindi rehistrado at hindi maayos na tirahan ng mga manggagawa.

Para naman sa mga nais makatapos ng kolehiyo o makapagsimula ng sariling negosyo, ibinahagi ng Kalihim ang mga oportunidad sa ilalim ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) katuwang ang CHED at OWWA, gayundin ang pagsasanay sa entrepreneurship at tulong sa puhunan sa pakikipagtulungan sa DTI at DA.

“Per instruction of the President, just continue to serve the OFWs,” ani Secretary Cacdac.