NCRPO

Kasambahay kulong sa ‘malikot na kamay’, P1.76M alahas ng amo tinangay

Edd Reyes Nov 10, 2026
65 Views

PINAG-IINGAT ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano ang mga residente sa Metro Manila sa pagkuha ng mga kasambahay upang hindi mabiktima ng pagnanakaw.

Ang payo ni BGen. Abrahano ay kasunod ng pagkakadakip sa isang kasambahay na sangkot sa pagnanakaw ng mga alahas na nagkakahalaga ng P1.76 milyon sa kanyang amo sa Makati City kamakailan.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng masusing pagsusuri sa pagkakakilanlan, pagkatao, at rekord sa trabaho ng mga aplikanteng kasambahay bago sila pahintulutang makapasok at magkaroon ng access sa loob ng pribadong tahanan.

Una rito’y mariing itinanggi ng naarestong kasambahay na sangkot siya sa insidente at iginiit na biktima rin siya ng dugo-dugo modus subalit hindi na nakapalag nang makuha sa kanya ng mga imbestigador ang isang resibo ng transaksiyon sa pagpapalit ng foreign currency na nagkakahalaga ng ₱68,000.

Ipinaalala ni PBGen. Abrahano sa publiko na bagama’t mahalaga ang papel ng mga kasambahay sa pang-araw-araw na pagpapatakbo ng tahanan, kinakailangang magsagawa ng mga pag-iingat ang mga amo upang maprotektahan ang kanilang pamilya at mga ari-arian.

Inatasan din ng NCRPO chief ang kapulisan na ipagpatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente at tukuyin ang iba pang indibidwal na nakinabang o lumahok sa pagnanakaw.

Hinimok din niya ang sinumang nakaranas ng kahalintulad na insidente na agad itong ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya sa halip na personal na komprontahin ang mga pinaghihinalaang sangkot.