Ambush Source: FB post

Mag-asawa tinambangan sa Cotabato, patay

Zaida Delos Reyes Feb 11, 2025
16 Views

PATAY ang mag-asawa matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspects habang nasa loob ng kanilang sasakyan Lunes ng hapon sa Kabacan, Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Armando Yap Lu, 79, manager ng isang bus company, dating kapitan ng barangay sa Carmen, Cotabato at asawa nitong si Marilyn Lungakit Lu, 62.

Ayon kay Cotabato Provincial Police Office Director Colonel Gilbert Tuzon, pauwi na ang mga biktima sa kanilang tahanan lulan ng kanilang Toyota Fortuner nang tambangan ng mga suspects sa gilid ng highway sa Barangay Kayaga sa nasabing bayan.

Dahil sa tama ng bala, nawalan ng kontrol sa manibela ang mister dahilan upang bumaliktad ang sasakyan at sumadsad sa kalsada.

Nagtamo din ng tama ng bala sa katawan ang ginang na naging sanhi rin ng kanyang kamatayan.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.