EDSA

LTO sinuspinde 2 bus na nagsalpukan sa EDSA

Edd Reyes Mar 11, 2025
22 Views

May kasamang ulat ni JUN I. LEGASPI

NAGLABAS ng preventive suspension ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa Earthstar Express Inc. matapos mabangga ng isa sa mga bus nito ang isa pang bus noong Lunes sa EDSA busway sa Guadalupe na ikinasugat ng 31 pasahero.

Nagpalabas din ng show cause order ang LTFRB laban sa Earthstar upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanilang prangkisa.

Batay sa mga ulat, nawalan umano ng preno ang bus ng Earthstar at bumangga sa bus ng Admiral Transport Inc., na nakapila upang magsakay ng mga pasahero sa Guadalupe station.

Walo sa mga pasahero ng Admiral bus ang nasugatan, habang 23 naman sa Earthstar bus ang nagtamo ng pinsala.

Bukod dito, hiniling din ng LTFRB sa Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI), ang insurance firm na nagbibigay ng Passenger Personal Accident Insurance (PPAI) para sa mga pampublikong sasakyan, na bisitahin ang mga ospital kung saan isinugod ang mga pasahero at sagutin ang kanilang gastusin sa pagpapagamot.

Samantala, inatasan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga driver ng parehong bus na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Huwebes upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at mabawian ng lisensya.

Pansamantala ring sinuspinde ng 90 araw ang kanilang mga lisensya.

Kasabay nito, ipinatawag din ng LTO ang dalawang kumpanyang may-ari ng bus upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa administratibong kaso sa pagkuha ng isang pabaya at mapanganib na driver.

Sa ulat kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes, huminto ang binanggang bus sa boundary ng Guadalupe sa Makati at Boni Avenue dakong alas-9:30 ng gabi nang salpukin ang likuran ng paparating na bus.

Sa lakas ng salpok, sugatan ang 23 pasahero ng bumanggang bus habang walo naman ang nasaktan sa binanggang bus.

Nakapagresponde ang Makati at MMDA Emergency Ambulance at binigyan ng first aid ang mga nasugatan.

Nasa traffic bureau na ng Makati City Police ang driver na nakabangga na ang alibi nawalan ng preno ang minamaneho niyang bus.

Mahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property sa Makati City Prosecutor’s Office.