Lacuna

Supporters, opisyal, kawani ng Maynila sinorpresa si Lacuna sa kanyang ika-60 b-day

Edd Reyes May 6, 2025
13 Views

Lacuna1BUMUHOS ang mga pagbati kay Mayor Honey Lacuna sa kanyang ika-60 taong kaarawan araw ng Martes, Mayo 6, mula sa mga supporters at mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.

Lunes pa lamang ng umaga ay sinorpresa na ng mga opisyal ng bawa’t departamento ang alkalde bago ganapin ang regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanya ng mga regalo at bulaklak.

Sa kanya namang pagsasalita matapos ang pagpupugay sa watawan, buong pusong pinasalamatan ng alkalde ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan dahil sa maagang pag-alala sa pagsapit ng kanyang kaarawan.

“Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat sa pag-alala niyo sa napaka-espesyal na araw ko. Espesyal dahil siyempre, birthday ko, pero exta special dahil magiging kabilang na ako sa mahigit-kumulang 200 thousand plus na mga senior citizen dito sa Lungod ng Maynila,” pahayag ng alkalde.

Dagdag pa ni Mayor Lacuna, kahit papaano ay alam niya na maraming nagmamahal sa kanya at ramdam na ramdam aniya niya ito sa pagbibigay sa kanya ng sorpresa Lunes pa lang ng umaga.

”You make my day extra special, maraming salamat, at dahil po pinaganda n’yo ang umaga ko, pagagandahin ko rin ang umaga niyo,” sabi pa ng alkalde.

Inianunsiyo ng alkalde sa kanyang talumpati na simula aniya sa Mayo 16, 2025, matatanggap na ng mga opisyal at kawani ang kanilang mid-year bonus.

Bagama’t marami aniya silang obligasyon para sa lungsod, kailangang unahin niya ang obligasyon sa mga opisyal at kawani na nagmamalasakit sa bawa’t isang Manilenyo.