Bro. Marianito Agustin

Maging bukas tayo sa mga biyaya ng Diyos sa ating buhay (MATEO 12:22-32)

148 Views

Diyos“Nang marinig ito ng mga Pariseo ay sinabi nila. “Nakapagpapalayas ng nga demonyo taong iyan sapagkat binigyan siya ni Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ng kapangyarihang gumawa niyon”. (MATEO 12:24)

ANG pinaka-matindi at ang pinaka-mabagsik na lason dito sa ibabaw ng mundo ay ” INGGIT”. Sapagkat ang lason na pamilyar sa ating lahat ay kaya lamang pumatay ng katawan. Subalit ang lason na dala ng inggit ay hindi lamang pumapatay ng katawan, bagkos. Sinisira po nito ang relasyon ng magkapatid, magka-kamag-anak, magka-kapamilya at magka-kaibigan.

Maraming pamilya na ang winasak ng dahil sa mabagsik na lason ng inggit. May mga sitwasyon na sa isang pamilya ang magkakapatid ay nagde-demandahan dahil hangad ng isa na mapasa-kaniya ang ari-ariang iniwan ng kanilang magulang.

Naiinggit siya sa kaniyang kapatid na mas malaki ang nakuhang parte sa manang iniwan ng kanilang mga magulang. Kapatid laban sa kapatid, kadugo laban sa kadugo. Iyan ang bunga ng inggit.

Matapos likhain ng Diyos Ama ang ating mundo umiral na sa ibabaw ng lupa ang mapanira, mapangwasak at salot na inggit.

Ito ang nangyari sa magkapatid na sina Cain at Abel. Kung saan mababasa natin sa aklat ng Genesis (GEN. 4:1-15) ang kuwento ng magkapatid. Sinakluban at nilukuban ng sobrang galit si Cain dahil mas kinalulugdan ni Yahweh ang handog ni Abel.

Samakatuwid, si Cain ay inggit na inggit sa kaniyang kapatid.

“Ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit”. (GENESIS 4:5)

Kaya saan humantong ang galit ni Cain laban sa kaniyang kapatid? Hindi ba’t ito’y kaniyang pinatay? Pinatay niya ang kaniyang kapatid dahil sa sobrang selos o inggit. Kahit sa isang relasyon, ang selos ay nakakamatay. Naiinggit o nagseselos ay pareho lamang. Bakit? Kasi ang selos at inggit ay tanda ng “INSECURITY”. Ang taong insecure ay naiinggit o nagse-selos sa isang taong sa tingin niya ay mas magaling at mas mahusay sa kaniya.

Ito ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (MATEO 12:22-32) sa panahon ng ating Panginoong Hesu-Kristo kung saan siya mismo ay kina-inggitan at pinag-selosan ng kaniyang sariling mga kababayan (Judio) dahil sa ginagawa niyang pagpapagaling sa mga may karamdaman gaya ng mga bulag, pipi, bingi pati na ang mga inaalihan ng masasamang espiritu.

Sa halip na matuwa ang kaniyang mga kababayan dahil sa kaniyang mabubuting gawain. Mababasa natin sa Ebanghelyo na siniraan pa ang ating Panginoong Jesus nang sabihin nilang ang kapangyarihang nagmumula sa kaniya para makapag-pagaling ay mula sa prinsipe ng mga demonyo na si Beelzebul. Hindi na nga nila na-appreciate ang magandang ginawa ni Kristo, inakusahan pa nila ng mali ang ating Panginoon.

Ganiyan ka-grabe ang inggit. Kahit sarili mong kababayan ay kayang-kaya mong wasakin dahil sa tindi ng iyong inggit at selos. Ang feeling kasi ng mga Pariseo eh’ nasasapawan sila ni Jesus kaya ganoon na lamang ang kanilang “insecurity”.

Umakyat na sa utak ang kanilang pagka-inggit kaya hindi na nila nakikita ang magandang aspeto ng mga gawain at Ministeryo ni Kristo. Ito ay ang biyaya ng Diyos na mapagaling ang mga may karamdaman, magbalik loob sa Diyos ang mga makasalanan at mapalaya ang mga alipin ng masasamang espiritu. Hindi na ito nakikita at nararamdaman ng mga Pariseo sapagkat sila ay binulag ng kanilang inggit at selos.

ANG MGA PARISEO SA ATING KASALUKUYANG PANAHON:

Ang mensaheng nais ibigay sa atin ng Pagbasa ay ang PAGIGING BUKAS ng ating puso at isipan sa mga biyaya ng Panginoong Diyos para sa atin. Matuto tayong magpasalamat sa lahat ng kaniyang mga biyaya. Maliit man o malaki. Huwag tayong maiinggit kung ang ating kapatid ay nakatanggap ng mas malaking biyaya kumpara sa blessings na natanggap natin sa Diyos, huwag natin tularan si Cain na unti-unting nilamon ng inggit.

Ang mga Pariseo sa ating Ebanghelyo ay naging sarado sa biyaya ng Diyos kaya ganoon na lamang sila ka-bitter. Sa halip na magpasalamat. Hindi ba’t mistulang ikinaiinis pa nila ang pagpapagaling ni Jesus duon sa lalaking bulag, pipi at inaalihan ng demonyo. Pinagaling ng Panginoon ang taong ito. Pero hindi ito na-appreciate ng mga Pariseo. Naroon na nga ang blessings galing sa Diyos, hindi pa sila magpasalamat.

Nagiging PARISEO din tayo kapag minsan hindi tayo marunong magpasalamat sa dumarating na biyaya sa atin galing sa Panginoon. Ang malupit pa nga, may maririnig pa tayong salita mula sa ating mga kapatid na: “buysit na buhay na ito”. Mas mabuti pang mamatay na lang kesa naman sa ganito! ” Nagiging Pariseo tayo dahil kagaya nila, sarado din ang ating puso at isipan sa mga mumunting biyaya.

Iyon na nga ang masama, mahirap na nga ang ating kalagayan. Mas pinahihirap pa natin dahil sa pagre-reklamo natin sa Diyos. Kaya sa halip na ganahan ang Panginoon na biyayaan tayo, mas nagiging mailap tuloy ang grasya ng Diyos. Hindi naman mahirap sabihin ang mga salitang: SALAMAT PO LORD.

Minsan, madidinig natin na sinasabi ng ating mga magulang. “Anong grasya ang matatanggap mo. Ang aga-aga, nakasimangot ka na. Ang init na ng ulo mo. Wala kang ka-grasya grasya”. Tama nga naman. Gaganahan kaya ang grasya na pumasok kung ang taong pagkakalooban nito ay napaka-bitter at tulad ng mga Pariseo na sarado ang puso?

Ang mga biyayang galing sa Diyos ay tanda ng kaniyang wagas na pag-ibig para sa atin. Hindi mahalaga ang mga materyal na bagay bilang mga blessings. Kundi ang tunay na kahulugan nito. Nais ng Panginoon na maging maayos at komportable ang ating pamumuhay dito sa ibabaw ng lupa. Iyan ang walang kapantay at dakilang pag-ibig ng Diyos.

INAANYAYAHAN TAYONG MAGPASALAMAT SA DIYOS:

Kaya ito ang hamon sa atin ng Pagbasa. Ito ay ang laging magpasalamat sa mga blessing ng Diyos, huwag mainggit at higit sa lahat ay huwag magreklamo upang mas marami pang biyaya ang dumating sa ating buhay. Ang pagpapasalamat sa Panginoon ay gaya rin ng isang halaman. Ang halaman kapag araw-araw mong dinidiligan ito ay lalago at mamumulaklak.

Ganoon din ang araw-araw na pananalangin at pagpapasalamat sa Diyos. Kapag lagi natin itong ginagawa. Tulad ng isang halaman, mas marami tayong biyayang matatanggap galing sa Panginoon. Siksik, liglig at umaapaw.

MANALANGIN TAYO:

Salamat po Panginoon sa mga biyayang ipinagkakaloob mo po sa amin. Maliit man o malaki ay hindi na po mahalaga, sapagkat ang pinaka-mahalaga naman ay ang pagpaparamdam mo ng iyong pagmamahal sa amin sa pamamagitan ng mga biyayang ito.