Calendar

Mastermind sa pagpatay kay Pulhin alam na, 2 suspek huli ng QCPD
TUKOY na ng pulisya ang mastermind sa pagpaslang sa 61-anyos na negosyante at chief of technical staff ng House committee on ways and means sa Barangay Commonwealth, Quezon City, matapos maaresto ang dalawang suspek.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), matapos ang walang humpay na follow-up na imbestigasyon, naaresto noong Hunyo 22 bandang alas-5 ng umaga ang suspek na si alyas “Balong,” ang diumano’y middleman, habang itinatapon ang damit na ginamit ng kinuha niyang gunman sa basurahan ilang metro ang layo mula sa kanyang bahay sa Caloocan City.
Ayon sa pulisya, bago ang pagsasampa ng kasong murder, nagsagawa ng extrajudicial confession si Balong na inasistihan ng isang abogado kaugnay sa pagpatay sa biktima at ang partisipasyon ng anim pa niyang mga kasamahan na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad.
Dahil dito, noong Lunes ay inihain sa Quezon City Prosecutor’s Office ang kasong murder laban kay Balong at sa binanggit niyang mga kasamahan.
Bandang alas-9 ng gabi ng Hunyo 23, sumuko naman ang isa pang suspek sa isang fast-food chain sa Quezon City.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Jean S. Fajardo nitong Martes, iniulat ni QCPD officer-in-charge Col. Randy Glenn G. Silvio kay PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre III ang pagkakaaresto sa dalawang suspek. Isa sa kanila ay umaming binayaran lamang sila ng P30,000 para sa krimen.
Patuloy pa ring pinaghahanap ng QCPD ang apat pang suspek na kinabibilangan ng isang live-in couple, ang mismong gunman at isang backup.
Ayon kay Balong, inutusan siya ng mga suspek na live-in partner na humanap ng taong papatay kay Pulhin dahil may personal na galit diumano ang mga ito sa biktima, na dati nilang amo.
Nalaman umano nilang kakasuhan sila ni Pulhin ng qualified theft at estafa kaya nila ito ipinapatay.
Ang ikalawang suspek naman ang isa sa mga lookout. Ayon sa imbestigasyon, nakita ang suspek sa CCTV na nagtungo sa bahay ni Balong upang magpalit ng damit matapos ang insidente.
“P30,000 umano ang kabuuang bayad sa krimen na ipinadala sa pamamagitan ng GCash. Sinasaliksik pa ng QCPD ang katotohanan ng mga pahayag na ito,” sinabi ni Fajardo.
Samantala, ipinahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang matinding dalamhati at pagkabigla sa pagpatay kay Pulhin. Tinawag niya itong isang malupit at walang saysay na karahasan na kailangang panagutin.
Hinimok din niya si Torre at ang QCPD na ituloy ang imbestigasyon upang makamit ang hustisya.
“Lahat ng anggulo ay kailangang tingnan—kabilang na ang mga propesyonal na koneksyon ni Pulhin—upang lumabas ang katotohanan,” dagdag pa ng Speaker habang ipinapaabot ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ng biktima.
Batay sa ulat ng QCPD, noong Hunyo 15 bandang 2:50 ng hapon ay pinagbabaril si Mauricio Ramirez Pulhin sa kaniyang tahanan sa Don Jose Heights Subd., Brgy. Commonwealth, habang ipinagdiriwang ang ikapitong kaarawan ng kaniyang anak na babae.
Dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang pumasok sa venue at binaril si Pulhin nang malapitan. Sa kanilang pagtakas sakay ng motorsiklo, pinaputukan pa umano nila ang guwardiya ng subdivision.
Isinugod si Pulhin sa Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation Hospital ngunit idineklarang dead on arrival. Ni ALFRED DALIZON & MELNIE RAGASA-JIMENA