EOPT1

Mas malaking kita ng gobyerno inaasahan sa EOPT Law

323 Views

MULING iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na ang pagpasa ng Ease of Paying Tax (EOPT) Law ay isa sa mga pinakamalalaking tagumpay ng 19th Congress, kasabay ng paghahanda ng Senado para sa mga panukala ng 20th Congress.

Ipinunto ni Gatchalian na layunin ng EOPT Law na gawing mas simple at mas episyente ang pagbabayad ng buwis para sa mga mamamayan. Isinabatas noong Enero 2024, ang Republic Act No. 11976 ay nagpapadali sa pagtupad ng mga obligasyon sa buwis, at inaasahang magpapalakas sa tax compliance at kita ng pamahalaan.

“Pinasimple natin ang proseso ng pagbabayad ng buwis upang mas mapalakas din ang tax compliance ng ating mga kababayan at mapataas ang kita ng gobyerno,” ani Gatchalian, pangunahing may-akda at sponsor ng batas.

Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng EOPT Law ang pagpapatupad ng file-and-pay-anywhere system na nagpapahintulot sa online na pagproseso ng buwis. Itinakda rin ang paggamit ng bagong invoice system upang mapabilis ang registration ng mga negosyo at pagproseso ng value-added tax (VAT) refunds.

“Inaasahan natin na makakamit ng gobyerno ang layunin nitong makakolekta ng mas maraming buwis para tustusan ang malalaking proyekto ng gobyerno kahit na walang ipinapataw na bagong buwis,” dagdag pa ng senador, na kasalukuyang namumuno sa Senate Committee on Ways and Means. Nina PS Jun M Sarmiento & Camille P Balagtas