AirAsia

AirAsia Philippines, Eastern Visayas pinalawig collab para sa stakeholders

315 Views

LEYTE – Muling pinagtibay ng AirAsia Philippines at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Leyte ang matagal nang pagtutulungan sa pagbibigay ng abot-kayang biyahe sa himpapawid, pagpapalawak ng konektividad, at pagsuporta sa turismo at kaunlarang pang-ekonomiya sa Rehiyon ng Silangang Visayas.

Mainit na sinalubong ng mga opisyal ng lalawigan at miyembro ng media ang AirAsia sa Leyte Provincial Capitol, kasama sina Gobernador Jericho Petilla, Leyte Tourism Consultant Frances Ann Petilla, at iba pang opisyal bilang bahagi ng patuloy na pakikipagtulungan ng airline sa mga stakeholder.

Mula pa noong 2009, milyun-milyong pasahero na ang naihatid ng AirAsia sa Tacloban, na may ligtas, maaasahan, at abot-kayang flight options. Sa kasalukuyan, may 28 lingguhang biyahe ang airline papunta at pabalik ng Tacloban.

“May espesyal na lugar ang Leyte sa puso ng AirAsia. Napatunayan na ng panahon ang aming ugnayan, lalo na noong pananalasa ng Bagyong Yolanda at sa panahon ng muling pagbangon. Patuloy pa rin ang aming hangaring magbigay ng abot-kayang pamasahe sa Silangang Visayas,” pahayag ni AirAsia Philippines President at CEO Suresh Bangah.

Matapos muling tanghaling World’s Best Low-Cost Airline sa ika-16 na sunod-sunod na taon ayon sa Skytrax, ibinahagi ng AirAsia ang tagumpay na ito sa mga stakeholder sa pamamagitan ng special seat sale mula ₱516 para sa one-way flight papunta at pabalik ng Tacloban — ika-11 major seat sale ng airline para sa unang bahagi ng 2025.

Maaaring mag-book hanggang Hulyo 3, 2025 para sa biyahe mula Hulyo 2, 2025 hanggang Marso 31, 2026.

Dagdag pa ni Bangah, “Alam namin kung gaano kahalaga ang bawat paglalakbay para sa bawat Leyteño. Habang kasalukuyang inaayos ang San Juanico Bridge, maaasahan ng ating mga stakeholder na patuloy naming ibibigay ang makatuwirang pamasahe upang maranasan ng lahat ang aming world-class na serbisyo.”

Pinuri naman ni Gov. Jericho Petilla ang patuloy na suporta ng AirAsia:

“Ang Leyte ay isang destinasyon. Hindi ito alam ng marami, pero isa talaga tayong destinasyon. Bukod sa Kalanggaman, marami pa tayong lugar na pwedeng ipagmalaki. At nagpapasalamat kami sa AirAsia. Lagi kong sinasabi, two-way ito — habang nilalantad namin ang aming turismo, umaasa kami na dadami pa ang biyahe ng AirAsia.”

Aniya pa, “Sa dami ng aming plano, ang tanong ko palagi: sinong airline ang magiging katuwang namin kapag handa na kami? Sa ngayon, masasabi kong AirAsia lang ang itinuturing naming tunay na partner.”

Sa kasagsagan ng Bagyong Yolanda (Haiyan), isa ang AirAsia sa mga kauna-unahang commercial airline na tumugon sa pangangailangan ng mga nasalanta. Naglaan ito ng libre at humanitarian seats na umabot sa 250,000, para sa mga biktima at sa mga naghahanap ng kanilang mga mahal sa buhay. Sa tulong ng AirAsia Foundation, nakalikom din sila ng halos ₱100 milyon para sa pagtatayo ng mga tahanan sa Tacloban.

Hindi rin nalilimutan ni Leyte Tourism Consultant Anne Petilla ang naging papel ng airline sa panahon ng krisis:

“Hindi namin malilimutan nung panahon ng Yolanda kung paano kami tinulungan ng AirAsia. Sila ang unang airline na nagbigay ng libreng upuan. Nagpadala sila ng dalawang eroplano para sa humanitarian mission. Nakalikas ang maraming tao mula Tacloban, nakahanap ng trabaho sa Maynila, at nakapagpadala ng tulong sa kanilang pamilya habang muling bumabangon.”