OFW Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Lungsod ng Pasay nitong Sabado (Hunyo 28, 2025) sakay ng Emirates flight EK 334 ang anim na manggagawang Pilipino mula Iran. Ang anim ay kabilang sa walong Pilipinong humiling na makauwi sa Pilipinas matapos ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran. (Larawan mula sa DMW)

6 na manggagawang Pilipino sa Iran nakauwi na ng PH

465 Views

DUMATING sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Lungsod ng Pasay nitong Sabado ang anim na manggagawang Pilipino mula Iran, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sakay ng Emirates flight EK 334, ang anim na Pilipino ay kabilang sa walong Pilipino na humiling na makauwi sa Pilipinas kasunod ng kaguluhan sa pagitan ng Israel at Iran na nagsimula noong Hunyo 13 at nagtapos sa isang tigil-putukan noong Hunyo 24.

Lima sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ay nagtatrabaho bilang shrimp hatchery technicians sa Iran, habang ang isa naman ay isang household worker sa Dubai na sinamahan ang kanyang amo sa Iran bilang turista.

Dalawa pa ang inaasahang darating sa mga susunod na araw.

Sinalubong sila ng OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega, at DMW Assistant Secretary Venecio Legaspi, kasama ang mga medical workers at social welfare officer mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Naisakatuparan ang repatriation sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Philippine Embassy sa Tehran na pinamumunuan ni Ambassador Roberto Manalo, katuwang ang DMW at OWWA.

Pagdating nila sa bansa, agad silang binigyan ng pinansyal na tulong, pagkain, at serbisyong medikal ng airport medical team. Sagot din ng OWWA ang pansamantalang hotel accommodations at mga domestic flight pauwi sa kanilang mga lalawigan.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na makakatanggap ng reintegration assistance mula sa pamahalaan ang mga repatriated na manggagawa.
May ulat mula kay Joyce Ann Rocamora / PNA