Calendar
Papuntang HK-Disney buking na mag-po-POGO worker sa Cambodia
ISANG Pilipina ang naharang makaalis ng Pilipinas noong Hunyo 23 papuntang Hong Kong matapos matuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na na-recruit para magtrabaho sa ibang bansa sa ilegal na paraan.
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), napigil ang 28-anyos na biktima matapos makita ang maraming hindi tugmang detalye sa kanyang mga dokumento pagdating sa Ninoy Aquino Internation Airport (NAIA).
Una niyang sinabi na magtutungo siya sa Hong Kong upang mamasyal sa Disneyland pero kalaunan inamin niyang ni-recruit siya ng mga hindi pinangalanang Tsino sa pamamagitan ng Telegram upang magtrabaho sa isang POGO-like na kumpanya sa Cambodia.
Inalok umano siya ng $1,000 buwanang suweldo upang magtrabaho sa isang online gaming company na pinaghihinalaang sangkot sa panlilinlang sa mga banyagang manggagawa.Ayon sa biktima, hindi niya kilala ang kanyang mga recruiter at magiging employer ngunit pumayag siya dahil sa magandang alok.
Ang pagkakaharang sa kanya ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang mga Pilipino sa lahat ng port of exit.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado: “Ipinapakita ng kasong ito ang patuloy na pagbabago ng taktika ng mga trafficking syndicates.
Determinado kaming protektahan ang ating mga kababayan mula sa mga ganitong panlilinlang.”
Ang biktima ay isinailalim na sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang tulungan at kasuhan ang mga recruiter niya.

