Calendar
Hontiveros: Paglantad ng saksi sa video atake vs katotohanan
SA gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga umano’y pang-aabuso ni Pastor Apollo Quiboloy at ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), mariing kinondena ni Senador Risa Hontiveros ang paglalabas ng isang video na naglalantad sa pagkakakilanlan ng mga saksi at biktima. Tinawag niya ito bilang isang “an attack on truth-telling o pag atake laban sa Katotohanan.”
Sa isang press conference nitong Lunes, iginiit ni Hontiveros na ang video ay seryosong banta sa kaligtasan ng mga tumestigo, gayundin sa kanyang mga staff, matapos nitong isiwalat ang kanilang personal na impormasyon.
“Michael’s video, which exposes the identities of witnesses and victims, and discloses the personal information of my staff, presents a clear and present danger to people’s safety,” ani Hontiveros.
Dagdag pa niya, ang mga hakbang na ito para ilantad o siraan ang mga saksi ay direktang pag-atake hindi lamang sa kanyang opisina kundi sa mismong katotohanan. “Make no mistake, this isn’t just an attack on my office. This is an attack on truth-telling,” aniya.
Dahil dito, inanunsyo ng senadora na magsusumite ang kanyang tanggapan ng pormal na reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) at magsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga responsable sa video.
“This is only step one, and we will take further decisive action, including the filing of criminal complaints,” dagdag niya.
Sa pagpapatuloy ng kanyang pahayag, binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng pagbibigay-proteksyon sa mga saksi upang matiyak ang kalayaan nilang magsalita at mapanatili ang integridad ng imbestigasyon. “We will not let this slide. We will fight back,” aniya.
Batay sa datos, may 14 na saksi na ang tumestigo sa Senado. Ayon kay Hontiveros, nananatiling matibay ang paninindigan ng karamihan, at ilan ay nagpatunay na sila ay kusang nagbigay ng pahayag nang walang kapalit o pamimilit.
Samantala, iniuugnay ng senadora ang paglabas ng video sa mga posibleng tangka ng pananakot sa mga saksi. Binanggit niya ang naunang ulat ni Michael, isang testigo, na umano’y hinaras at dinukot ng mga indibidwal na konektado sa KOJC.
Sa huli, muling iginiit ni Hontiveros ang kanyang paninindigang ipaglaban ang katotohanan at protektahan ang mga saksi.
“No one gets to endanger our witnesses, my staff, or harass the Senate with impunity,” aniya.

