Calendar
Udyok sa impeachment court: Paglilitis ituloy, wag ibasura
HABANG naghahanda ang Senado sa pagsisilbi nitong tungkulin bilang impeachment court kaugnay ng kaso laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, muling iginiit ni Senador Joel Villanueva ang kanyang paninindigan sa due process at patas na paglilitis.
Tumanggi siyang sumang-ayon sa mga panawagang ibasura ang kaso nang walang pagdinig.
“Kahit noon pa, alam ng marami sa inyo ang posisyon ko. The Senate should proceed to trial dahil iyan ang aming role ayon sa hinihingi ng Konstitusyon,” giit ni Villanueva, na binigyang-diin ang malinaw na mandato ng Senado sa ilalim ng Saligang Batas.
Sa harap ng mga mamamahayag, muling ipinahayag ng senador ang pananaw na nakasaad sa Konstitusyon: “The vision of the Constitution is very clear that our job is to try.”
Ipinunto niyang hindi dapat payagan ang anumang mosyon na maglalayong itigil agad ang proseso: “At nung na-convene ang court, in-objected ko ulit… ang aking objection.”
Tinuligsa rin niya ang maling pag-unawa sa papel ng mga senator-judge.
Aniya, “Sa simula pa lamang na ito ay maging motion, I objected to it. We are conducting ourselves as a legislative body,” at binigyang-diin na ang mga desisyon ay nararapat lamang gawin matapos maiprisenta ang mga ebidensyang kinakailangan.
Hinarap din ni Villanueva ang mga puna at opinyon ng publiko tungkol sa mga panukalang ibasura ang kaso. “Para po sa akin, ang magiging basehan ng ating boto ay pag- pe presenta na mga ebidensiya sa impeachment court,” aniya, at iginiit na ang kanyang magiging pasya ay ibabatay lamang sa mga ebidensyang ihaharap—hindi sa impluwensyang pampulitika.
Ipinaliwanag niyang bagama’t naiiba ang impeachment court sa karaniwang hukuman, ito ay nananatiling nakatali sa konstitusyonal na mandato. “And we will decide as a court,” sabi ni Villanueva. “There might be some decisions on the part of the court na maaaring hindi ako agree but. I will respect that because isa lang ako sa miyembro ng court.”
Sa kabila ng mga haka-haka tungkol sa mga legal at pulitikal na implikasyon ng maagang pagbasura ng kaso, nanindigan ang senador na dapat itong ituloy.
“So trial proper na siya,” aniya, at sinabing dapat umusad ang paglilitis batay sa mga artikulo ng impeachment ng Kamara at sa opisyal na tugon naman ng Pangalawang Pangulo.”
Matatandaan na naipasa na ng Kamara ang kanilang tugon sa sagot ni VP Duterte, at ipinamahagi na ang mga dokumento sa mga senador-hukom bilang paghahanda sa pormal na paglilitis.
Pinuri ni Villanueva ang pagsusumikap na manatiling tapat sa batas at proseso.
“Walang pong dapat kinikilingan.” pagtitiyak ng Senador mula sa Bulacan.
Bago pa man opisyal na magsimula ang ika-20 Kongreso, inaasahang mabubuo na ang impeachment court. Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Villanueva ang kahalagahan ng pagiging bukas at tapat sa proseso: “Mas importante na tama yung proseso,” aniya.

