Martin

Reelected Leyte Rep. Romualdez binuksan 20th Congress sa pagsumite ng Rice Bill kontra inflation

433 Views

ALINSUNOD sa programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., inihain ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng katatapos na 19th Congress, ang House Bill (HB) No. 1 na naglalayong ireporma ang National Food Authority (NFA) upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas, mapatatag ang suplay nito, at mapalakas ang suporta sa mga Pilipinong magsasaka.

Ang panukalang “Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act” ang kauna-unahang panukalang batas na inihain sa bagong Kongreso—isang pagpapakita ng kahalagahan na ito’y gawing prayoridad.

Layunin nitong amyendahan ang Rice Tariffication Law at ibalik ang kapangyarihang regulasyon ng NFA upang makialam sa merkado ng bigas at pigilan ang hoarding, profiteering at pagmamanipula ng presyo.

“Rice is life, and it is the soul of every Filipino family’s dining table. That is why this bill is the very first we filed in the 20th Congress. It reflects our singular focus on the daily struggle of every Filipino family to put affordable food on the table, and the need to reward our farmers with fair prices for their hard work,” ani Romualdez.

Idiniin niya na ang panukalang ito ay bahagi ng kampanya ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Marcos at layunin nitong pababain ang presyo ng bigas sa pinakamababang antas nang hindi nalulugi ang mga magsasaka.

Ang panukala ay co-authored nina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre.

Sa ilalim ng RICE Act, muling magkakaroon ng kapangyarihan ang NFA na magrehistro at maglisensya ng mga bodega ng butil, magsagawa ng inspeksyon at subaybayan ang kalakalan ng bigas.

Magkakaroon din ito ng kapangyarihang kumpiskahin ang mga naimbak na bigas at ipamahagi ito sa publiko upang labanan ang artificial shortage o biglaang pagsipa ng presyo.

“Hindi na puwedeng patuloy na ginagamit ang krisis sa pagkain bilang oportunidad para kumita ang iilan. Dapat may kakampi ang konsyumer sa gobyerno, at dapat din may kakampi ang magsasaka. Through this bill, we restore that balance,” diin ng lider ng Kamara mula Leyte.

Itinatakda rin sa panukala na ang NFA ay kailangang magpanatili ng buffer stock na manggagaling sa lokal na palay, at may kapangyarihang magtakda at magpatupad ng floor price para sa pagbili ng palay.

Ibig sabihin, magkakaroon ng patas at matatag na presyo ang ani ng mga magsasaka, habang makikinabang naman ang mga mamimili sa mas maaasahan at mas abot-kayang suplay ng bigas.

“We cannot fight hunger without confronting price manipulation. This bill is not about going backwards to failed models. It is about smarter regulation that meets today’s challenges like climate shocks, global price volatility and local production gaps,” paliwanag ni Rep. Martin Romualdez.

Binigyang-diin ni Rep. Romualdez na hindi aalisin ng panukala ang malayang importasyon ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law, ngunit magdadagdag ito ng mahahalagang pananggalang.

Aniya, hindi layunin ng batas na ito ang higpitan ang kalakalan kundi bigyang kapangyarihan ang estado na makialam kung kinakailangan para sa kapakanan ng publiko.

“Kapag bumabagsak ang presyo ng palay at lugi ang mga magsasaka, dapat may kakayahan ang NFA na bumili sa presyong makatao. At kapag sumisirit ang presyo ng bigas sa palengke, may mandato ang NFA na ibsan ang pasanin ng mamamayan,” aniya.

Ang panukala ay bunga ng pagtutulungan ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Rep. Romualdez noong ika-19 na Kongreso at ng ilang ahensya ng gobyerno tulad ng Office of the President (OP), Department of Agriculture (DA) at NFA.

Ipinapaloob din sa HB No. 1 ang parusang hanggang P2 milyon at pagkakakulong ng hanggang dalawang taon para sa mga lalabag sa floor price policy, at habang-buhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno para sa mga opisyal na sangkot sa hoarding o profiteering.

“This is a bill of accountability. Dapat managot ang sinumang nambibiktima sa kahirapan ng ating mga kababayan para lamang kumita. We intend to use the full force of the law against those who take advantage of the people’s vulnerability in times of crisis,” pahayag ni Rep. Martin Romualdez.

Binibigyan din ng kapangyarihan ng panukala ang DA na pamunuan ang pagpapatupad ng mga mekanismong panunupil ng presyo, sa tulong ng NFA at sa koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas.

“In this, we have unity in purpose. But unity does not mean uniformity. It means moving together, in one direction, toward solutions. Magkaisa na tayo sa layuning ito, na bumaba ang presyo ng pagkain, na umasenso ang magsasaka at na huwag nang gutumin ang karaniwang Pilipino,” aniya.

“Ito ay laban para sa kabuhayan at sikmura ng bawat Pilipino. This bill is our strongest statement yet: Hindi tayo papayag na gutom ang mamayani sa ating bayan,” dagdag pa niya.