Calendar
OATH-TAKING – Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay nanumpa bilang Representative ng Unang Distrito ng Leyte kay Court of Appeals Justice Bautista “Butch” Corpin Jr. hapon ng Linggo sa makasaysayang Price Mansion sa Tacloban City. Ito’y sinaksihan ng kanyang mga anak na sina Tingog Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez (kanan) at Tacloban City Councilor Ferdinand Martin “Marty” Romualdez Jr. (ikalawa mula sa kanan).
Kuha ni VER NOVENO
Romualdez inihain panukalang lilibre sa PhilHealth premium ng milyon-milyong OFWs
INIHAIN ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng 19th Congress, ang isang panukalang batas na layong ilibre ang milyon-milyong overseas Filipino workers (OFWs)—maging land-based man o sea-based—sa pagbabayad ng premium contributions sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Kasama ni Romualdez bilang may-akda ng House Bill No. 2 sina Tingog Party-list Reps. Jude Acidre at Andrew Julian Romualdez.
Ayon kay reelected Leyte Rep. Romualdez, layunin ng panukala na patatagin ang serbisyong pangkalusugan ng bansa para maging mas maayos, pantay at handa sa oras ng pangangailangan.
Nakapaloob sa panukalang batas ang mga reporma sa Republic Act No. 11223 o ang “Universal Health Care Act.”
Bukod sa pagbibigay-libre sa mga migranteng manggagawa mula sa pagbabayad ng premium, binibigyang-diin din ng panukala ang probisyon sa pagbabawas ng kontribusyon at ang pagbabawal sa paglipat ng pondo ng PhilHealth sa National Treasury.
Ayon sa panukala, “half of the OFWs’ premium contributions shall be paid by the national government, while the other half shall be shouldered by their employers.”
Inaatasan din ng panukala ang PhilHealth at Department of Health (DOH) na maglatag ng mekanismo para sa pagpapababa ng premium contribution sa mga patakaran at regulasyong ipatutupad kaugnay ng batas na ito.
Sa bahagi naman ng pagbabawal sa paglipat ng pondo, malinaw na nakasaad: “Notwithstanding any law to the contrary, no portion of the reserve fund or any fund or income of PhilHealth, including the provident fund under Section 16 (C) and the special health fund under Section 20 of this Act, shall accrue to the general fund of the national government or to any of its agencies or instrumentalities, including government-owned or -controlled corporations.”
Nauna nang naglipat ang PhilHealth ng hindi bababa sa P60 bilyon sa National Treasury ayon sa utos ng Department of Finance (DOF).
Nahinto naman ang dagdag na P30 bilyon matapos itong pigilan ng Korte Suprema. Sa ngayon, hinihintay pa ang pinal na desisyon ng Korte tungkol dito.
Paliwanag ng DOF, may pahintulot mula sa taunang badyet ng gobyerno ang inilabas nilang circular.
Ayon pa sa panukala, ang anumang hindi nagamit na bahagi ng premium subsidies para sa indirect contributors ay dapat ilaan “exclusively for an increase in benefits or a decrease in forthcoming premium subsidies.”
Kabilang sa mga indirect contributors ang mga Pilipinong walang kakayahang magbayad ng premium gaya ng mga mahihirap at walang trabaho, kung saan binabayaran ng pamahalaan ang kanilang kontribusyon mula sa taunang pondo.
May probisyon din sa panukala na nagsasaad na ang premium contribution rates ay dapat ibatay sa actuarial studies at pagsusuri sa inaasahang paggamit ng mga serbisyong pangkalusugan.
Anumang pagbabago sa mga rate ay kinakailangan pa ring aprubahan ng Kongreso.
Ipinapanukala rin ang paglikha ng Universal Health Care Coordinating Council, na siyang mangunguna sa mas mabilis na pagpapatupad ng batas at magsisilbing mekanismo ng koordinasyon sa mga ahensya at organisasyon.
Ayon kina Romualdez at kanyang mga co-author, ang mga mungkahing pagbabago sa batas ay layong punan ang mga kakulangan, linawin ang mga malabong polisiya, at tugunan ang mga problema upang matupad ang tunay na layunin ng batas.
“Once passed, this measure will certainly maximize the potential of the Universal Health Care law to become the instrument for universal and equitable healthcare access for every Filipino,” dagdag nila.

