Rep. Magsino

Magsino pinapurihan si reelected Leyte Rep. Martin Romualdez

Mar Rodriguez Jul 1, 2025
417 Views

Rep. Magsino Rep. MagsinoPINAPURIHAN ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino si reelected Leyte Rep. Martin Romualdez dahil sa panukalang batas na isusulong nito para malibre sa pagbabayad ng PhilHealth premium ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi ni Magsino na malaking tulong ang maibibigay ng panukalang batas ni Rep. Romualdez upang maibsan ang mabigat na pasanin ng mga OFWs sa pagbabayad nila ng PhilHealth premium kung saan ay matagal na panahon na nila itong inirereklamo.

Inihain ni Rep. Romualdez ang House Bill No. 2 para mas lalo pang patatagin at pagtibayin ang healthcare system sa ating bansa kabilang dito ang pagbibigay ng exemption sa mga Pilipino migrant workers sa pagbabayad ng PhilHealth premiums.

Dahil dito, ipinahayag pa ni Magsino na kahit noong 19th Congress ay marami ng OFWs ang lumalapit sa kaniya para magreklamo patungkol sa paniningil ng PhilHealth ng premiums gayong nakakadagdag ito sa kanilang mabigat na gastusin.

Ikinagagalak din ni Magsino na bagama’t hindi na siya mapapasama sa batch ng mga kongresista na mauupo sa 20th Congress. Ipinagpapasalamat parin aniya nito na isinasa-alang alang parin ng liderato ng Kamara de Representantes ang kapakanan ng mga OFW.

Kasabay nito, nagpasalamat naman ang OFW Party List group para kay Dr. Edwin Mercado, ang Presidente at Chief Executive Officer (CEO) ng PhilHealth, dahil sa oras na inilaan umano nito matapos ang naging pagpupulong nila ni Magsino.