Castro Palace Press Officer Claire Castro

Palasyo suportado pagiging bukas ng proseso sa badyet

314 Views

IPINAHAYAG ng Malacañang nitong Martes ang suporta nito sa panukalang gawing bukas sa publiko ang bicameral na pagdinig sa badyet upang mas maging transparent ang proseso.

“Irespeto natin ang pagiging independiyente ng Kongreso, pero kapag po ang pinag-uusapan ay pagsasapubliko ng anumang transaksiyon patungkol sa gobyerno, mas maganda po talaga na maging transparent ang bawat galaw para sa taumbayan,” ani Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

Itinakda ng Development Budget Coordination Committee ang panukalang pambansang badyet para sa 2026 sa halagang P6.793 trilyon.

Katumbas ito ng 22 porsiyento ng gross domestic product at 7.4 porsiyentong mas mataas kumpara sa pambansang badyet ng 2025 na P6.326 trilyon.

Ayon sa Konstitusyon, ang panukalang pambansang badyet ay kailangang isumite sa Kongreso sa loob ng 30 araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.

Nauna nang sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na inaasahang maisusumite sa Kongreso ang National Expenditure Program (NEP) para sa 2026 makalipas ang dalawang linggo pagkatapos ng ika-apat na SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Ang NEP ay ang plano ng paggasta ng pambansang pamahalaan para sa susunod na fiscal year na isinusumite sa Kongreso. Ito ay magiging General Appropriations Bill (GAB) kapag inaprubahan ng Mababang Kapulungan at Senado.

Pagkatapos ay magiging General Appropriations Act (GAA) ang GAB kapag ito ay nilagdaan na bilang batas.

Nang tanungin kung ano ang inaasahan ng gobyerno sa sandaling maisumite na ang NEP sa Kongreso, sinabi ni Castro na inaasahan ni Marcos na maisakatuparan ang mga makabubuti para sa bayan at mamamayan.

“Tandaan po natin, muli ang gusto po ng Pangulo ay mapaganda ang buhay ng bawat Pilipino, maging mas magaan at mabigyan ng magandang serbisyong medikal at pangkalusugan,” aniya. Philippine News Agency