PUV

LTO binawi lisensya ng mga PUV drivers na naniningil ng sobra

Jun I Legaspi Jul 6, 2025
358 Views

BASE sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na papanagutin ang mga pasaway na driver, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng 10 taxi at Transportation Network Vehicle Service (TNVS) drivers dahil sa paniningil ng sobra at pakikipag-kontrata sa mga pasahero.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapaglabas na ang ahensya ng mga show cause orders (SCOs) sa mga naturang driver na nahuli sa surprise operation sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Hunyo 25.

“Naipabatid na namin sa mga driver na ito ang 90-araw na suspensyon ng kanilang lisensya sa pamamagitan ng mga SCOs na aming inilabas. Ibig sabihin, wala silang trabaho during that period, at ito ay dahil sa pananamantala sa ating mga kababayang commuter,” pahayag ni Asec. Mendoza.

Matatandaang ipinag-utos ni Asec. Mendoza ang regular na pagde-deploy ng LTO enforcer teams sa tatlong terminal ng NAIA kasunod ng sunod-sunod na ulat at mga viral na insidente ng overcharging, kabilang ang isang driver na naningil ng P1,300 mula Terminal 2 hanggang Terminal 3, at isa pa na naningil ng P5,000 para sa biyahe mula Terminal 1 hanggang Terminal 2.

Iniimbestigahan din ang motorcycle taxi rider na umano’y naningil ng P2,000 mula NAIA hanggang Cainta, Rizal.

Nagpaalala naman si DOTr Secretary Vince Dizon na may mabigat na kaparusahan sa sinumang driver ng pampublikong sasakyan na lalabag sa batas, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa paniningil ng labis sa pamasahe.

“Hindi tayo papayag sa mga ganitong pang-aabuso. Kung kayang gawin ito sa mga kababayan natin, what more sa mga dayuhan na turista. Makakasama ito sa imahe ng ating bansa,” ani Asec Mendoza.