Sibuyas

Sibuyas na nasabat sa pier kontaminado ng e-coli

Cory Martinez Jul 6, 2025
360 Views

POSITIBO sa Escherichia coli (e-coli) bacteria ang mga smuggled na sibuyas na nasabat sa Manila International Container Terminal noong Hunyo, base sa report ng Bureau of Plant Industry (BPI) na isiniwalat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ayon sa report, nagkaroon ng e-coli ang mga sibuyas dahil sa kontaminasyon ng dumi na maiuugnay sa mahinang kondisyon ng sanitasyon sa panahon ng pangangasiwa pagkatapos maani ang mga sibuyas.

Nagsagawa ng pagsusuri ang BPI sa ilang samples ng smuggled na sibuyas matapos maharang ito ng Bureau of Customs batay sa kahilingan ng DA Inspectorate and Enforcement Office.

Nakalagay sa container van na naglalaman ng tinatayang 25 metriko tonelada ng sibuyas ang kontrabando na idineklarang mga egg noodles at pizza dough.

Dumating ang kargamento noong Mayo 26 mula sa China at nakalista sa Latinx Consumer Goods Trading na nakabase sa Manila bilang consignee.

Sinabi ni Tiu Laurel na sisirain ang mga naturang kontrabando batay sa rekomendasyon ng BPI.

“Kapag ito ay naipakalat sa mga consumer, magkakaroon ng posibleng mataas na pagkalat ng sakit na lalong makadagdag sa panganib sa kalusugan ng consumers lalo na kapag kinain ng sariwa,” babala ng BPI.

Sa ilalim ng regulasyon ng Customs, kinakailangang sirain ang mga kontaminadong pagkain tulad ng sariwa o frozen na produkto o ibalik sa pinanggalingan, o ipadala sa ikatlong bansa.

“Malinaw na ang mga sibuyas na ito ay hindi angkop para kainin ng tao,” ani Tiu Laurel.

Bilang pagbibigay-diin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga pagkaing ibinebenta sa Pilipinas ay dapat hindi lang abot-kaya at masustansiya, kundi higit sa lahat ay ligtas, sinabi ng DA chief na iIto ang dahilan kaya hindi pinapabayaan ang kampanya laban sa smuggling.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng mga nakalipas na inspection sa Port of Manila kung saan anim na container vans ng sibuyas at frozen na isda ang natuklasang misdeclared at nagbunsod sa DA na hilingin sa BOC na harangin ang pagpapalabas sa 59 na container vans sa Subic Bay Freeport na hinihinalang naglalaman ng smuggled na mga produktong agrikultura.