Valeriano

Valeriano determinadong lansagin online gambling

Mar Rodriguez Jul 7, 2025
273 Views

DETERMINADO si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano na lansagin ang online gambling sa ating bansa na para sa kaniya ay sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan at lalong naglulubog sa mga Pilipino sa kahirapan.

Sinabi ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na nakatakda niyang isulong ngayong 20th Congress ang kaniyang panukalang batas na tuluyan ng pupuksa sa talamak na online gambling katulad ng e-sabong.

Ayon kay Valeriano, nilalayon ng kaniyang panukalang batas na kanselahin o I-revoke ang lahat ng lisensiya at permits na inisyu sa lahat ng businesses na mayroong kinalaman sa online gambling, e-sabong at iba pang kahalintulad nitong operasyon.

Pagbibigay diin ng beteranong kongresista na ang kaniyang panukala ay direkta aniyang tatama sa mga gambling operators mismo na pasimuno at promotor ng online gambling sa ating bansa kaya lumaganap ang nasabing sugal.

Paliwanag ni Valeriano na malulumpo ang online gambling kapag naisabatas ang kaniyang panukala sapagkat hindi na makakapag-operate ang mga kompanya at hindi narin sila makakatanggap ng pusta sa pamamaraan ng electronic payments o e-wallet.

Sabi ni Valeriano na ang kaniyang panukala ay direktang tutugon sa problema ng online gambling at hindi lamang sa electronic-wallets at electronic-payment na isang pamamaraan lamang para makapagtaya ang mga taong nalululong sa online gambling.

Kasabay nito, pinapurihan naman ni Valeriano ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos itong mag-draft ng isang circular para matugunan ang online gambling kasunod ng kaniyang panawagan sa BSP na ipagbawal ang mga electronic payment systems at electronic wallets na ginagamit na transaksiyon para sa online gambling.