Magsino

Lea Salonga inspirasyon para sa mga OFWs at Pinoy seafarers -Magsino

Mar Rodriguez Jul 7, 2025
574 Views

Magsino1Magsino2PARA kay dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino, isang inspirasyon para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at Filipino Seafarers ang tinaguriang “world renowned” Filipina singer na si Lea Salonga.

Ang pahayag ni Magsino ay bilang reaksiyon nito matapos maiulat na magkakaroon ng sariling bituin sa Hollywood Walk of Fame si Lea Salonga. Siya ang kauna-unahang Filipina na pinarangalan ng Hollywood Chamber of Commerce.

Sinabi ng dating kongresista na isang napakalaking karangalan para sa Pilipinas ang pagkilala ng Hollywood Chamber of Commerce kay Lea Salonga bilang napakahusay at napakatanyag na singer hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo.

Dahil dito, pagbibigay diin ni Magsino na si Lea Salonga ang nagsisilbing inspirasyon at role model ng mga OFWs at Pinoy seafarers dahil sa karangalang ibinibigay nito para sa Pilipinas gayundin naman sila (OFWs at Seafarers) na nagbibigay din ng napakalaking kontribusyon para sa ating bansa.

Ipinaliwanag pa ni Magsino na hindi lamang isang “world class perfomer” si Lea Salonga kundi siya ay nagsisilbi rin bilang simbolo ng sipag, galing at dangal ng bawat Pilipino mula sa Broadway, hanggang sa siya ay matampok sa Disney.

“Kami sa OFW Party List ay buong pusong bumabati kay Ms. Lea Salonga. Ang kauna-unahang Filipina na tumanggap ng bituin sa Hollywood Walk of fame. Hindi lang siya world-class perfomer siya ay simbolo ng husay at dangal ng mga Pilipino,” sabi ni Magsino.

Samantala, nabatid din kay Magsino na isinagawa ng OFW Party List kamakailan ang Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD) Program Orientation sa pakikipag-tulungan nito sa Department of Labor and Employment (DOLE). Kung saan, nabiyayaan ang 161 benepisyaryo ng TUPAD.