PAGCOR1 Tinanggap ni PAGCOR Senior Vice President for Security Raul Villanueva (pinakakaliwa) ang isang plaque of appreciation mula kay Kalihim ng Depensa Gilberto C. Teodoro Jr. at Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV ng Office of Civil Defense bilang pagkilala sa patuloy na suporta ng PAGCOR sa mga humanitarian contingent ng Pilipinas noong Hulyo 4.

PAGCOR nagkaloob ng P6.9M sa mga PH responder sa lindol sa Myanmar

310 Views

NAGKALOOB ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng P6.9 milyong halaga ng cash incentives sa mga miyembro ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) at mga tauhan ng Philippine Air Force na ipinadala sa Myanmar matapos ang lindol na may lakas na 7.7 noong Marso 28.

Sa isang seremonyal na turnover na ginanap noong Biyernes, Hulyo 4, sa Camp General Emilio Aguinaldo sa Lungsod Quezon, bawat isa sa 138 responder ay tumanggap ng P50,000 bilang pagkilala sa kanilang bahagi sa 12-araw na humanitarian at search-and-rescue mission.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, palaging handa ang ahensya na suportahan ang mga humanitarian mission ng bansa sa ibang bansa.

“Pinararangalan namin hindi lamang ang inyong katapangan, kundi pati ang malasakit na siyang nagbibigay-kahulugan sa mga misyon ng mga Pilipinong humanitarian,” aniya. “Palagi naming susuportahan ang mga pagsisikap na nagpapakita ng pinakamagagandang katangian natin bilang isang bayan: matatag, hindi makasarili, at handang tumulong sa nangangailangan saan man sila naroroon.”

Ang PIAHC team mula sa Office of Civil Defense, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Environment and Natural Resources Emergency Response Team, at Department of Health ay ipinadala sa Myanmar noong Abril 1.

Nagbigay ang grupo ng medikal at lohistikal na suporta kasunod ng trahedyang kumitil ng higit sa 2,000 buhay at ikinasugat ng halos 4,000 katao sa Myanmar.

Habang naroon, nag-operate ang Philippine contingent ng isang Type 1 Fixed Field Hospital sa Pyinmana, Naypyidaw, kung saan sila ay nakapagtala ng 1,056 pasyenteng ginamot na may iba’t ibang karamdaman.

Nagsagawa rin sila ng mga search-and-rescue operation katuwang ang mga lokal na awtoridad.

Ibinahagi ni Lt. Col. Erwen Diploma, Contingent Commander, ang mga hamon na kanilang kinaharap, kabilang na ang matinding pisikal na kalagayan at emosyonal na bigat ng pagkasaksi sa pinsala ng sakuna.

“Ang suporta mula sa PAGCOR ay isang malinaw na mensahe na pinahahalagahan at kinikilala ang sakripisyo ng mga Pilipinong humanitarian responder,” ani Diploma.

Bilang kapalit, tumanggap ang PAGCOR ng isang plaque of appreciation mula sa Department of National Defense bilang pagkilala sa suporta nito sa mga humanitarian mission sa ibang bansa, kabilang na ang naunang tulong sa contingent ng Pilipinas sa Türkiye noong 2023 kung saan nagkaloob ang PAGCOR ng Php4.1 milyon.

Tinanggap ni PAGCOR Senior Vice President for Security Raul Villanueva ang plaque sa ngalan ni Chairman Tengco.